Matagumpay na naganap ang coronation night ng “Miss Universe Philippines 2024” nitong Miyerkules ng gabi, Mayo 22, sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City, na nagluklok sa pambato ng Bulacan na si Chelsea Anne Manalo, professional model at certified pageant kontesera, bilang bagong MUPH.

Trending sa X ang “#MissUniversePhilippines2024” gayundin ang pangalan ng iba’t ibang matunog na kandidata, na umpisa pa lamang ay “manok” na ng karamihan.

Dalawa sa mga pinag-usapang frontrunner ng pageant ay sina Alexa Brooks ng Iloilo at Atihsa Manalo ng Quezon Province, na talaga namang pinagtalunan pa ng kani-kanilang fans.

Sa dulo ng paligsahan, si Atihsa ay 2nd runner-up lamang kay Chelsea.

Events

Blooms, excited na sa world tour ng BINI sa 2025

Ang 1st runner-up ni Chelsea ay si Stacey Daniella Gabriel (Cainta), 3rd runner-up naman si Justine Tarah Marie Valencia (Baguio), at 4th runner-up si Christi Lynn McGarry (Taguig).

Matapos ang anunsyo, hindi rin naman na-zero si Brooks dahil nahirang siya bilang Miss Eco International Philippines 2025 at si Atihsa naman bilang Miss Philippines Cosmo International 2025 bagama't marami ang nagtataas ng kilay sa title ni Atihsa dahil "downgrade" daw ito sa kaniya. Nag-1st runner up na kasi si Atihsa sa Miss International pageant.

Si Tarah Valencia ng Baguio naman ang Miss Supranational Philippines 2025 at si Miss Pampanga Cyrille Payumo naman ang Miss Charm Philippines 2025.

Bukod sa titulo, humakot din ng special awards si Brooks. Siya ang nanalo sa National Costume Competition kasama sina Janet Hammond ng South California at Tamara Ocier ng Tacloban.

Nasungkit din ni Brooks ang Face of Avon, Miss Buscopan, Miss JellLife, at Miss Zonrox ka-tie sina Manalo at Kim-Victoria Vincent ng Bacoor, Cavite.

Pinakamarami namang nakuhang special awards si Atihsa gaya ng Miss Aqua Boracay, Miss Danielito's, Miss Fairy Skin, Miss Hello Glow, Miss iColorPlus, Miss Smilee, at Queen of Hearts.