Si Chelsea Anne Manalo na nga ang nagwaging "Miss Universe Philippines 2024" matapos maganap ang coronation night nitong Miyerkules, Mayo 22, sa SM Mall of Asia Arena na talaga namang inabangan ng pageant fans.
Marami ang nasorpresa na natalo ni Chelsea ang 52 mga katunggali, at ang mga matutunog na kandidata gaya nina Ahtisa Manalo ng Quezon Province na batikan na sa mga pageant, si Alexa Brooks na pambato ng Iloilo, at iba pa.
Kaya naman, tinatawag na "dark horse" si Chelsea dahil ang ibig sabihin ng idyomatikong pahayag na ito sa Ingles, tumutukoy sa isang tao o bagay na hindi gaanong kilala o inaasahan, ngunit maaaring magtagumpay o maging matagumpay nang higit sa inaasahan at matalbugan pa ang iba kapag umarangkada na ang labanan, paligsahan, o iba pang ganap.
Ang pinagmulan umano ng terminong ito ay mula sa mundo ng karera ng kabayo, kung saan ang isang "dark horse" ay tumutukoy sa isang kabayo na hindi gaanong kilala o nabibigyan ng pansin, ngunit sa huli ay nananalo sa karera.
Halimbawa sa konteksto ng politika, ang isang kandidato na hindi gaanong kilala sa simula ng kampanya ngunit biglang umangat sa mga survey at sa huli ay nanalo sa eleksyon ay maaaring tawaging "dark horse." Sa iba pang konteksto, tulad ng palakasan o sining, ang "dark horse" ay maaaring tumukoy sa isang indibidwal o koponan na hindi inaasahang magtagumpay ngunit nagpakita ng kahusayan at tagumpay.
Sa kaso ni Chelsea, bagama't lumulutang na rin naman ang pangalan niya sa preliminary competition, hindi siya ang inaasahang tatanghaling Miss Universe Philippines 2024 at kakatawan sa bansa sa nabanggit na prestihiyosong kompetisyon na talaga namang "national concern" kapag aktuwal nang nagaganap.
Naitanong kay Chelsea ang "You are beautiful and confident, how will you use these qualities to empower others?" sa Q&A portion para sa Top 5.
Sagot niya, "As a woman of color, I have always faced challenges in my life. I was told that beauty has standards actually. But for me, I have listened and always believed in my mother to always believe in yourself, and uphold the values that you have in yourself. Because of this, I am already influencing a lot of you facing me right now as a transformational woman. I have here 52 other delegates with me who have helped me be the woman that I am. Thank you."
Ngunit sino nga ba si Chelsea na pambato ng Bulacan, at ngayon, ng buong Pilipinas?
Si Chelsea na half-Filipina, half-American ay isinilang noong Oktubre 14, 1999. Nagdiborsyo ang kaniyang amang Kano at inang Bulakenya, kaya napunta siya sa pangangalaga ng inang si Contessa Manalo at kaniyang stepfather sa Meycauayan City, Bulacan. Bandang 2004 nang mag-reunite sila ng ama sa Amerika at doon na niya natapos ang kaniyang pag-aaral sa grade level.
Sa edad na 14 ay sanay na siyang rumampa bilang isang modelo sa print media, runway, at commercial o advertisements. Sa isang panayam, sinabi ni Manalo na kung hindi siya naging modelo, ang nakikita raw niya sa sarili ay maging isang car racer. Siya ay graduate ng kursong Tourism sa isang kolehiyo.
Siya rin ay personal na youth at body positivity advocate matapos dumaan sa insecurities at pambubully dahil sa kaniyang kulay. Kung babasahin naman sa official website ng MUPH2024, ang adbokasiya ni Chelsea ay "Championing Indigenous Youth Education."
Hindi na bago kay Chelsea ang paglahok sa beauty pageants. Noong 2017, sumali siya sa Miss World Philippines kung saan napabilang siya sa Top 15.
Itinalaga naman siya ng lokal na pamahalaan ng Bulacan bilang kinatawan para sa Miss Universe Philippines 2024 at tinawag siyang "Bulacan Barbie."
Lalaban at kakatawanin ni Chelsea ang buong Pilipinas sa darating na Setyembre sa bansang Mexico.
Samantala, narito naman ang iba pang mga nagwagi sa nabanggit na kompetisyon:
1st runner-up: Stacey Daniella Gabriel (Cainta)
2nd runner-up: Maria Ahtisa Manalo (Quezon Province)
3rd runner-up: Justine Tarah Marie Valencia (Baguio)
4th runner-up: Christi Lynn McGarry (Taguig)
Congratulations, Chelsea!