Kinastigo ni Senador Raffy Tulfo si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa kaniyang mga ‘di nagtutugmang pahayag at impormasyon na magpapatunay ng kaniyang pagkatao.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ngayong Miyerkules, May 22, itinanong ni Tulfo kay Guo kung alam ba niyang kasal ang mga magulang niya na sina Angelito Guo at Amelia Leal.
Sagot ni Guo, sinabi raw ng kaniyang ama ay hindi ito kasal sa kaniyang ina.
Base sa birth certificate ni Guo at kaniyang mga kapatid na sina Shiela at Seimen Leal Guo, kasal ang mga magulang nila.
Pagbibigay-diin pa ni Tulfo, mistulang dalawang beses pa ito ikinasal dahil dalawang magkaibang petsa ang nakasulat sa birth certificate ng magkakapatid.
Nakasaad sa birth certificate nina Mayor Alice at Shiela, ikinasal noong Oktubre 14, 1982 ang mga magulang nila pero sa birth certificate naman ni Seimen, Enero 21, 1987 ikinasal sina Angelito at Amelia.
Paliwanag ni Guo, wala siyang alam dahil hindi naman daw ito pinag-uusapan sa pamilya nila, bagay na hindi pinaniniwalaan ni Tulfo.
“I don’t think so. Ikaw bilang nasa public service holding a higher office sa LGU, you would have been curious. ‘Di ba? […] So, in this case you are not prepared. Hatalang may mga butas itong mga statement mo kasi you should have asked your father […] I don’t believe you,” ani Tulfo.
Kasunod din nito, itinanong ng Senador sa alkalde kung naitanong ba nito sa ama niya kung saan ito ikinasal, sa Tsina o Pilipinas ba.
Ayon ulit kay Guo, hindi raw ito napag-uusapan sa kanilang pamilya.
“Sen. Raffy, hindi po ‘yon pinag-uusapan sa bahay namin gawa po na ayoko pong sisihin ‘yung tatay ko and how I wish po na I have a perfect family kaso po gano’n po ‘yung nangyari,” ani Guo.
Naungkat din ang panayam ni Guo kung saan sinabi niyang kasambahay ng tatay niya ang kaniyang ina.
Paliwanag ng Senador, natural na reaksyon ng isang tao na magtanong tungkol sa kanyang family history lalo pa't tumakbo ito bilang public servant.
"Paulit-ulit mong sinasabi sa hearing na ito na kasambahay ang nanay mo, so parang fairy tale. Pinapalabas mo na kawawa ka, nanggaling ka from humble beginnings, nagsikap ka, yumaman ka, etc. Hindi e. Don’t use that word ‘kasambahay’ kasi pinagloloko mo lang kami. Nobody will believe you, you keep stating na kasambahay, paano maging kasambahay ‘yung nanay mo kung sila ay kasal ni papa mo? Maliban na lamang kung si papa mo ay nagsisinungaling pero bakit magsisinungaling ang papa mo?” kastigo pa ni Tulfo kay Guo.
Sagot naman ni Guo, “‘Yung birth certificate ko binigay sa akin ng tatay ko no’ng hiningi ko po sa kaniya. Ang nabasa ko po sa birth certificate ko na housekeeper ang biological mother ko.”
“Pasensya ka na Sen. Raffy, ayoko pong sisihin ang tatay ko. Mahal ko po ang tatay ko,” dagdag pa niya.
Agad namang sumagot ang senador: “Madam, huwag n’yo pong nilalayo ‘yung topic. Wala po kaming sinisisi rito. Hindi namin sinisisi ang papa mo. Hindi namin siya hinuhusgahan. Ang samin lang, I'm trying to find out the truth. Parang lumilitaw maraming butas ‘yung statement mo. Nagsisinungaling ka, may tinatago ka talaga.”
“Ang ginagawa mo nililihis mo eh. Kumukuha ka ng simpatya sa publiko because that is what the public really want to hear. ‘Yung mga sad story, mga fairy tales, mga teleserye. Gusto mong pumunta doon eh. ‘Wag mo kaming lihisin doon. We know better. You cannot use that. ‘Wag kang magpapakaawa dito po, Mayora,” rebat pa ni Tulfo.
Samantala, hinikayat ni Tulfo na sumailalim sa lie detector test si Guo, na siya namang sinang-ayunan ng alkalde.
https://balita.net.ph/2024/05/22/mga-magulang-ni-alice-guo-walang-record-of-birth-at-marriage/