Simple subalit makahulugan ang naging mensahe ni Sen. JV Ejercito para sa nagbitiw na Senate President na si Sen. Juan Miguel Zubiri, na mababasa sa kaniyang X post ngayong araw ng Miyerkules, Mayo 22, sa ganap na 8:23 ng umaga.

Makikita sa kaniyang post ang isang larawan kasama si Sen. Joel Villanueva at isang lalaking kayakap na likod lang ang makikita, na mahihinuhang si Sen. Zubiri.

"Between personal, vested and political interest, I choose to remain on the side of what is right," ani Ejercito.

"Napakadaling lumundag ng kampo kung pansariling interes at benepisyo ko lang ang aking iisipin."

"Tumagilid man ang barko hindi tayo marunong mang iwan!" aniya pa.

Isa si Ejercito sa mga nagpakita ng suporta kay Zubiri, bukod pa kina Sen. Joel Villanueva, dating Senate President Pro-Tempore Loren Legarda, Sen. Sonny Angara, Sen. Nancy Binay, at Sen. Win Gatchalian. Hindi naman bumoto ang minority floor bloc na sina Sen. Risa Hontiveros at Sen. Koko Pimentel.

Ang natitirang 15 senador ay bumoto para maalis sa puwesto si Zubiri, kabilang na si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa, na labis na ikinagulat ni Zubiri.

"I failed to follow instructions from the powers that be. Simple as that," bahagi ng pahayag ni Zubiri sa kaniyang privilege speech noong Mayo 20, matapos ang anunsyo ng pagbaba sa puwesto.

Ang pumalit sa kaniya bilang bagong SP ay si Sen. Chiz Escudero na isa rin sa mga bumoto para mapatalsik si Zubiri sa puwesto.