Inanunsiyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na sisimulan na ngayong buwan ang serye ng public consultations para sa susunod na wage hike sa National Capital Region (NCR).

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ng DOLE na ang konsultasyon sa labor sector ay itinakda ngayong Mayo 23, Huwebes habang ang konsultasyon naman sa employer sectors ay isasagawa sa Hunyo 4.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Samantala, ang public hearing para dito ay target namang maidaos sa Hunyo 20.

Anang DOLE, "Thereafter, the Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) in NCR will decide on the propriety of adjusting the minimum wage for the region."

Nabatid na ang mabilis na pagdaraos ng konsultasyon para sa umento sa sahod ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na kaagad na pasimulan ang pagrepaso sa regional minimum wage rates sa loob ng 60-araw bago ang anibersaryo ng kanilang pinakahuling wage order.

Nabatid na ang kasalukuyang wage order para sa private sector workers sa Metro Manila ay naging epektibo noong Hulyo 16, 2023.

Itinatakda nito ang minimum wage sa P610 para sa manggagawa sa non-agriculture sector at P573 naman para sa mga manggagawa sa agriculture sector at sa service/retail establishments na mayroon lamang 15 trabahador at pababa, gayundin ang mga manufacturing establishments na regular na nag-e-employ ng wala pa sa 10 manggagawa.

Inatasan na rin naman ang iba pang rehiyon na ayusin na rin ang iskedyul ng konsultasyon at pagdinig, alinsunod sa direktiba ng pangulo.