Hindi raw makapaniwala si dating Senate President Migz Zubiri na bumoto si Senador Ronald “Bato” dela Rosa para mapatalsik siya bilang pangulo ng Senado.

Sa isang panayam na inilabas ng ABS-CBN News nitong Martes, Mayo 31, sinabi ni Zubiri na “dumbfounded” siya nang malamang isa si Dela Rosa sa 15 mga senador na lumagda para mapatalsik siya sa pwesto.

“I thought I’ve seen strange things in my political career. And this happens to be the strangest. Kung kahapon ako ay heartbroken, ngayon ako ay dumbfounded,” ani Zubiri.

“Talagang hindi ko ma-gets. Hindi ko talaga maisip, hindi ko talaga ma-grasp ‘yung pangyayaring iyon,” dagdag pa niya.

National

‘Marcos group’, galit daw kay Zubiri nang payagan si Dela Rosa mag-hearing

Binanggit din ng dating Senate president na alam naman daw ni Dela Rosa na dinipensahan niya ito bilang chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na nag-iimbestiga sa umano’y nag-leak na dokumento sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagsasangkot kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ilegal na droga.

“At least alam niya na dinepensahan ko siya bilang chairman ng committee. At dahil diyan, nagkaroon po ng sakripisyo, at ako po ang isinakripisyo,” saad ni Zubiri.

Matatandaang matapos opisyal na magbitiw sa pwesto ay inihayag ni Zubiri nitong Lunes, Mayo 20, na isa sa mga nakikita niyang dahilan kaya siya pinatalsik ay ang pagpayag niya kay Dela Rosa na imbestigahan ang naturang usapin hinggil sa umano’y PDEA leaks.

Bago ito, sinabi kamakailan ni Zubiri na galit umano sa kaniya ang “Marcos group” dahil sa naging pagpayag niya kay Dela Rosa na mag-imbestiga sa Senado.

Samantala, sa isang press conference nito ring Martes, ipinaliwanag ni Dela Rosa kung bakit siya lumagda para mapatalsik si Zubiri, at kung bakit siya umiyak nang opisyal itong magbitiw sa pwesto.

https://balita.net.ph/2024/05/21/bato-kay-zubiri-sorry-boss-i-failed-to-win-the-war-for-you/

Matapos magbitiw ni Zubiri sa pwesto, si Senador Chiz Escudero ang iniluklok bilang bagong pangulo ng Senado.

https://balita.net.ph/2024/05/20/escudero-nanumpa-na-bilang-bagong-senate-president/