Pormal nang namaalam ang ABS-CBN sa international reality television singing competition na "The Voice" makalipas ang 10 seasons nito.
Sa pamamagitan ng grand finals ng "The Voice Teens" hosted by Robi Domingo at Bianca Gonzalez, sinabi nilang pormal nang natatapos ang prangkisa ng The Voice sa ABS-CBN, at huli na nga ang nagtapos na teens version.
Emosyunal na pinasalamatan nina Robi at Bianca ang mga nagsilbing coaches at hosts nito mula sa season 1 hanggang sa magtapos ito sa kanilang network.
"Sa pamamaalam sa ABS-CBN ng isa sa mga pinakamalaking talent reality show sa mundo, nagpapasalamat ang ABS-CBN at lahat ng bumubuo sa The Voice of the Philippines sa lahat ng naging bahagi ng sampung edisyong ito, and we would love to say thank you to our coaches, APL De Ap, Lea Salonga, Sarah Geronimo, Sharon Cuneta, Martin Nievera, KZ (Tandingan), and Bamboo," saad ni Robi.
"Isang karangalan din Robi na umapak sa stage na ito, at sa lahat ng naging hosts at V reporters, maraming-maraming salamat, Luis Manzano, of course Toni Gonzaga, Alex Gonzaga, Yeng Constantino, Kim Chiu, as well as all the hosts of the online shows," saad naman ni Bianca.
"Sa lahat ng artists at kani-kanilang pamilya na nagbahagi ng kanilang mga kuwento at pangarap sa ating programa, maraming salamat po," saad pa ni Robi.
Nag-one last final bow ang lahat ng production staff at crew ng nabanggit na programa.
Sa The Voice PH ng ABS-CBN nakilala ang iba't ibang mga singer ngayon ng bansa gaya nina Lyca Gairanod, Mitoy Yonting, Darren Espanto, JK Labajo, Morissette Amon, Elha Nympha, at Moira Dela Torre.
Ang franchise ng The Voice ay nakuha na ng GMA Network. Nagsimula ito sa "The Voice Generations" na hinost ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes. Nagsilbing coaches naman dito sina Julie Anne San Jose, Chito Miranda, Billy Crawford, at Stell ng SB19.