Halos dalawang dekada na ang lumipas pero hindi pa rin naaagnas ang katawan ng isang ginang mula sa Talisay, Cebu.

Sa ">isang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) nitong Linggo, Mayo 19, ibinahagi nila ang storya tungkol sa hindi naagnas na bangkay ni Luisa Abano o mas kilala bilang si Nanay Loling.

Human-Interest

Paano nga ba mag-goodbye ang ilang Gen Zs bago mag-New year?

Kuwento ng anak niyang si Marcial Abano sa KMJS, diabetic ang kaniyang ina at ayon daw sa doktor hindi na maisasalba si Nanay Loling dahil namaga na raw ang utak nito.

Makalipas ang 18 taon, sa hindi inaasahang pangyayari, nakita nilang hindi naagnas ang katawan ni Nanay Loling nang hukayin ang libingan nito.

Pinahukay nila ang pinaglibingan ni Nanay Loling dahil doon sana nila ililibing ang asawa nitong si Tatay Felix na namatay nito lang Mayo 4 dahil sa katandaan.

Balak kasi nina Marcial na kunin ang buto ni Nanay Loling at ilalagay sa sako upang maitabi kay Tatay Felix.

Ayon kay Mila Antonia, anak din ng mga yumao, ang huling hiling daw ng kanilang Tatay Felix ay ilibing siya sa puntod ng kaniyang asawa.

“Gusto talaga niya doon siya sa nanay ko isasama. Mahal na mahal niya ‘yong nanay ko kaya dapat dalawa sila doon sa libingan,” ani Mila.

Kaya laking gulat ng pamilya nila na buong-buo pa rin ang katawan ni Nanay Loling. Ani Marcial, hindi raw nagbago ang katawan ng nanay nila mula no’ng mailibing ito.

Bukod sa hindi naagnas na katawan, nakita rin nilang may tubig sa pinaglibingan ni Nanay Loling na mas lalong nagbigay ng misteryo sa kanila.

“Malayo talaga ‘yung dagat sa nilibingan ng nanay ko. Tapos sobrang init pa ng lugar ng pinaglibingan niya. Bakit magtutubig siya?” saad ni Mila.

Wala rin daw silang naamoy na mabaho mula sa hukay miski ‘yong mga sepulturerong naghukay.

Naniniwala rin si Mila na milagro ang nangyari sa kaniyang ina.

“Milagro po talaga, kasi bakit 18 years na hindi talaga siya naaagnas,” aniya.

Dahil sa pangyayaring iyon, tila muling nabuhayan ang pananampalataya ng mga taga Talisay. Ayon sa isa sa mga kapitbahay ng mga Abano, nagdasal siya agad nang malaman niya ang nangyari kay Nanay Loling at tinuring na raw nila itong santo.

Kilala raw kasi si Nanay Loling bilang mabuting Kristiyano, likas na madasalin, at mayroong mapaghimalang kamay dahil nag-aalaga raw ito ng may sakit sa kanilang lugar.

Ayon pa kay Mila, may nakapagsabi raw sa kanila na ipaalam ito sa Vatican.

Samanatala, isinangguni ng KMJS sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang kaso ni Nanay Loling.

Ayon daw sa CBCP, mahigpit daw ang simbahan sa mga kwalipikasyon para gawing santo ang isang tao.

“Dahil incorruptible ‘yung katawan eh santo na kaagad. No, it doesn’t work that way. Maraming santo ang naagnas na, buto na lang pero santo sila. So ‘yung incorruptibility is not. Kinakailangan lang makita ‘yung uri ng pamumuhay, banal ‘yan, mapagmahal sa Diyos, mapagmahal sa kapwa. Ngayon kung naging incorrupt naman ‘yan, talagang bubusisiin pa ‘yan ng simbahan,” ayon kay Fr. Jerome Secillano, spokesperson ng CBCP, sa panayam sa KMJS.