Inalmahan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang naging pahayag ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na “haka-haka” lamang ang kahirapan.

Matatandaang kamakailan lamang ay sinabi ni Gadon na gawa lamang umano ng malawak na imahinasyon ng marami ang tungkol sa “poverty.”

MAKI-BALITA: Kahirapan, ‘haka-haka’ lang sey ni Gadon

Sa isa namang press conference nitong Lunes, Mayo 20, sinabi ni Gatchalian na hindi pa sila nagkausap ni Gadon hinggil sa naturang naging pahayag nito.

National

12.9 milyong mga pamilyang Pinoy, ‘mahirap’ ang turing sa sarili – SWS

Samantala, bagama’t hindi raw niya napanood ang video ng pagkakasabi ni Gadon na “haka-haka” lamang ang kahirapan, magbibigay raw siya ng paliwanag tungkol sa panig ng DSWD hinggil sa usapin.

“Sa DSWD, naniniwala kami na patuloy ang laban natin sa kahirapan. Kaya nga patuloy kaming humuhubog ng iba’t ibang mga programa para maibsan ang kahirapan ng ating taumbayan at tuluyang mawakasan,” anang kalihim ng ahensya.

Binanggit din ni Gatchalian ang naging direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pagdating ng 2028, dapat daw ay “single digit” na lamang ang kahirapan sa bansa.

Kaugnay nito, ibinahagi ng DSWD chief ang mga programa ng ahensya para masugpo umano ang kahirapan, tulad daw ng “Food Stamp Program” para labanan ang kagutuman, “Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps),” “Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS)” at “Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP).”

“Itong mga programang ito are anti-poverty programs,” giit ni Gatchalian.

“Alam namin dito sa DSWD na totoo ang kahirapan, patuloy tayong lumalaban sa kahirapan. At hindi kami titigil hanggang sa ma-achieve natin ang goal ng ating pangulo na single digit by the end of his term,” saad pa niya.

Matatandaang noon lamang Abril 2024 nang ilabas ng Social Weather Stations (SWS) ang resulta ng kanilang First Quarter 2024 survey kung saan tinatayang 12.9 milyong mga pamilyang Pilipino umano ang naniniwalang sila ay “mahirap.”