Nagbigay ng reaksiyon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kumakalat na mga larawan nila ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, na sinabihan niya kamakailan na hindi niya kilala.
Matatandaang matapos sabihin ni Marcos noong Huwebes, Mayo 16, na hindi niya kilala si Guo, nag-repost ang alkalde ng ilang mga larawan kasama siya.
MAKI-BALITA: PBBM, hindi rin kilala si Mayor Alice Guo: ‘Kailangan talagang imbestigahan’
MAKI-BALITA: Matapos sabihang ‘di siya kilala: Mayor Guo, nag-repost ng larawan kasama si PBBM
Bukod dito ay kumalat din sa social media ang iba pang mga larawan mula sa Facebook post ni Guo noong 2022, kung kailan nangangampanya pa lamang si Marcos bilang pangulo ng bansa.
Samantala, sa isang panayam nitong Sabado, Mayo 18, na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Marcos na wala umanong mapapatunayan ang naturang mga larawan dahil hindi naman daw siya tumatanggi sa mga gustong magpa-picture sa kaniya.
“That proves nothing,” giit ng pangulo.
“You know how many pictures I take during the campaign? Siguro isang libo sa isang araw. Lahat naman ng humihingi ng selfie hindi ko hinihindian,” dagdag pa niya.
Kaugnay nito, sinabi ni Marcos na magpapatuloy ang imbestigasyon hinggil sa citizenship ni Guo, at maging sa umano’y pagkakadawit niya sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Tarlac.
“Let’s allow the Executive side and the Legislative side to continue our investigation. Wala pang definitive na conclusions,” saad ni Marcos.
Matatandaang kamakailan lamang ay kinuwestiyon sa Senate hearing ang kawalan ng school at hospital records ni Guo.
Nang tanungin ni Senador Risa Hontiveros si Guo kung saang bahay siya ipinanganak at kung saang school provider nakakonekta ang kaniyang naging guro nang mag-homeschool, ang naging sagot nito ay “hindi niya alam” at “hindi na niya matandaan.”
Nasa 17-anyos na umano ang alkalde nang mairehistro ang kaniyang kapanganakan sa bahay, at wala rin daw itong diploma dahil tuloy-tuloy umano siyang nag-aral sa pamamagitan ng homeschooling kung saan siya tinuruan ng isa niyang tutor habang naninirahan sa isang “farm.”
Ang naturang pag-usisa sa identidad ni Guo ay matapos imbestigahan ang umano’y pagkasangkot ng alkalde sa ni-raid na POGO sa lalawigan.
MAKI-BALITA: Mayor ng Bamban, Tarlac, walang school at hospital records?
Kaugnay nito, matatandaan namang inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos nitong Biyernes, Mayo 17, na nagrekomenda sila ng “preventive suspension” sa Ombudsman laban sa alkalde.
MAKI-BALITA: DILG, nagrekomenda ng ‘preventive suspension’ laban kay Mayor Alice Guo
Kaugnay na Balita:
https://balita.net.ph/2024/05/14/mayor-alice-guo-posibleng-kasuhan-ng-perjury-comelec/
https://balita.net.ph/2024/05/14/very-alarming-mayor-alice-guo-posibleng-imbestigahan-na-rin-sa-kamara/