Tila papalubog na raw talaga ang industriya ng pelikula sa Pilipinas ayon sa pananaw ng direktor na si Ronaldo Carballo.
Sa isang Facebook post kasi ni Ronaldo kamakailan, sinabi niya na mega-flop at wala raw nanood ng pelikulang “Isang Gabi” at “Fuschia Libre.”
“Officially, wala pa talagang kumita na pelikula sa sinehan mula nung MMFF 2023. Puro pulled-out! Juiceku!” pahayag ni Ronaldo.
“Wala na talaga sa formula ‘yan. Kahit sinong artista ihain mo, ayaw ng tao. Ayaw na talaga ng mga tao manood ng local film sa sinehan,” aniya.
Kung ikukumpara nga naman daw kasi sa subcription sa mga online streaming platform na gaya ng Netflix, ‘di hamak na mas makakatipid ang isang Pilipino kaysa manood sa sine.
Kaya ang suhestiyon ni Ronaldo: “The best thing talaga ay i-produced ang pelikula with Netflix quality at ibenta diretso sa Netflix upang hindi naman laging luhaan ang producer na walang bumabalik sa ipinuhunan.”
“Lugmok at luksang Industriya ng pelikulang Pilipino,” pahabol pa niya.
Ang “Isang Gabi” ay idinirek ni McArthur C. Alejandre at isinulat ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee. Pinagbibidahan ito nina Diego Loyzaga at Coleen Garcia.
Samantala, ang “Fuschia Libre” naman ay idinirek ni RC Delos Reyes at isinulat ni Tonio M. Rodulfo. Pinagbibidahan ito ni Paolo Contis at ng award-winning actor na si John Arcilla.