Maging si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., na nagmula sa Tarlac, ay hindi rin daw kilala si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, kaya’t kinakailangan umanong imbestigahan talaga ang kaniyang identidad.

Sa isang panayam nitong Sabado, Mayo 18, sinabi ni Teodoro na hindi niya kilala si Guo at kahit na sinong pamilya nito.

“Hindi ko kilala. Wala akong kakilalang ganiyan. Nagulat lang ako na may ganyan. Nakalulungkot, sa lalawigan ko pa nangyari. Kaya ang katanungan ng marami kong kababayan sa probinsya, paano nangyayari ito sa lalawigan?" ani Teodoro.

Kasalukuyang iniimbestigahan sa Senado ang naturang pagkakadawit umano ng alkalde sa POGO, kung saan kinuwestiyon din sa pagdinig ang tungkol sa identidad ng alkalde.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

MAKI-BALITA: Mayor ng Bamban, Tarlac, walang school at hospital records?

“May accountability dapat ang LGU (local government unit) hanggang sa taas dito, dahil imposibleng si Mayor Guo lamang ang may kinalaman dito. Pati ang mga dating PNP (Philippine National Police). Paanong lumusot ito sa kanila? At ang gawain dito, hindi POGO ha, scam. Human trafficking, may mga chamber na hindi kanais-nais sa ilalim ng lupa. Nakakabahala ito,” giit ni Teodoro.

Kaugnay nito, sinegundahan din ng Defense secretary ang pahayag kamakailan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kailangan umanong imbestigahan nang mabuti si Guo.

MAKI-BALITA: PBBM, hindi rin kilala si Mayor Alice Guo: ‘Kailangan talagang imbestigahan’

Si Teodoro ay nagsilbi nang tatlong termino bilang kongresista ng unang distrito ng Tarlac mula 1998 hanggang 2007.

Samantala, matatandaan namang inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos nitong Biyernes, Mayo 17, na nagrekomenda sila ng “preventive suspension” sa Ombudsman laban sa alkalde.

MAKI-BALITA: DILG, nagrekomenda ng ‘preventive suspension’ laban kay Mayor Alice Guo