Matapos pagdudahan ang kaniyang identidad, nag-repost si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ng ilang mga larawan kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Matatandaang noong Huwebes, Mayo 16, nang sabihin ni Marcos na kilala niya ang lahat ng mga politikong taga-Tarlac, ngunit wala raw nakakakilala kay Guo.
Samantala, pagkatapos ng naturang pahayag ng pangulo, noon lamang ding Huwebes ay inilakip ng alkalde sa isa niyang Facebook post noong Pebrero 21, 2024 ang ilang mga larawan kasama si Marcos, kung saan ang isa pa rito ay screenshot ng dating post ng pangulo sa Instagram.
Ang naturang mga larawan ay kinuhanan sa gitna ng pag-inspeksyon ni Marcos sa Airport to New Clark City Access Road (ANAR) noong Pebrero 2024.
“Beyond infrastructure, the Sacobia Bridge is an architectural marvel that has brought visitors, investment, and tourism to Clark,” nakalagay sa caption ng ini-screenshot na Instagram post ni Marcos noon ding Pebrero 21, 2024.
Base naman sa caption ng post ni Guo noong Pebrero, ibinahagi niyang “naging masaya” ang kanilang pagsalubong kay Marcos sa nangyaring inspeksyon ng ANAR.
“Sa pangunguna po ng ating napkasipag na Gov. Susan Yap, Vice Gov. Carlito Casada David, Former Gov. Vic Yap, Cong. Noel Rivera together with our Vice Mayor Ding Anunciacion and SB Members naging proud moment ang okasyon kanina bilang nalalapit na ang pagbubukas ng access road na ito that will benefit the Tarlaceños both boosting tourism and economy of the province of Tarlac and Pampanga,” ani Guo sa kaniyang post.
“Kaninang umaga po ito sa SACOBIA BRIDGE, CLARK CITY ACCESS ROADThank you for inviting us Mr. President ,” saad pa niya.
Matatandaang kamakailan lamang ay kinuwestiyon sa Senate hearing ang kawalan ng school at hospital records ni Guo.
Nang tanungin ni Senador Risa Hontiveros si Guo kung saang bahay siya ipinanganak at kung saang school provider nakakonekta ang kaniyang naging guro nang mag-homeschool, ang naging sagot nito ay “hindi niya alam” at “hindi na niya matandaan.”
Nasa 17-anyos na umano ang alkalde nang mairehistro ang kaniyang kapanganakan sa bahay, at wala rin daw itong diploma dahil tuloy-tuloy umano siyang nag-aral sa pamamagitan ng homeschooling kung saan siya tinuruan ng isa niyang tutor habang naninirahan sa isang “farm.”
Ang naturang pag-usisa sa identidad ni Guo ay matapos imbestigahan ang umano’y pagkasangkot ng alkalde sa ni-raid na isang Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa lalawigan.
https://balita.net.ph/2024/05/10/mayor-ng-bamban-tarlac-walang-school-at-hospital-records/
Kaugnay na Balita:
https://balita.net.ph/2024/05/14/mayor-alice-guo-posibleng-kasuhan-ng-perjury-comelec/