Hayagang sinabi ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na "haka-haka" lamang daw o gawa ng malawak na imahinasyon ng marami ang tungkol sa poverty o kahirapan.

Sa panayam sa kaniya ng Bagong Pilipinas Ngayon, hinimok ni Gadon ang mga Pilipino na suportahan ang administrasyong Marcos.

“Sana ang ating mga kababayan ay patuloy na suportahan ang Marcos administration, sapagkat sa totoo lang iyong mga nagsasabi ng napakahirap ng buhay ay sila lang ang nagsasabi niyan, haka-haka lang nila iyan,” aniya.

Isa raw patunay na "haka-haka" lamang daw ang kahirapan ay kapag nagpunta sa loob ng malls at tumingin sa kalsada.

"Magpunta ka sa mga mall punumpuno, ibig sabihin mataas ang purchasing power ng mga tao. Pumunta kahit sa mga probinsiya iyong mga branches ng mga fastfood – sa Jollibee, McDonalds punumpuno, ibig sabihin mataas ang purchasing power ng mga Pilipino. Lumabas ka ng kalsada at napakaraming mga bagong kotse, napakatrapik, ano ang ibig sabihin niyan, marami ang nakakabili ng kotse, marami ang nakakabili ng sasakyan – that means maganda ang ekonomiya,” aniya pa.

Pinuri ni Gadon ang klase ng pamamahala ni Pangulong Marcos.

“So, iyong mga nagsasabing hindi maganda iyong pamamalakad ng administrasyon, eh mga dati nang naninira iyan kaya huwag kayong maniwala sa kanila. Napakaganda ng pamamalakad ni President Bongbong Marcos at napakaganda ng ating tinatahak upang mapaganda ang kinabukasan ng ating bansa at ang kinabukasan ng ating mga susunod pang henerasyon,” aniya pa.

Sa nabanggit na panayam, ibinida rin ni Gadon na malaki na raw ang ibinaba ng poverty rate sa bansa, mula sa 24.7% ay naging 23.4% na lamang. Nakatulong daw ang pag-alis ng pandemic restrictions sa ilalim ng pamumuno ni PBBM para mabawasan ang poverty rate sa bansa.