Sumali ang 70-anyos na si Rhonda Felizmeña sa “Mutya ng Taguig 2024” para raw magsilbing inspirasyon sa bawat isa na hindi pa huli ang lahat para tuparin ang kanilang mga pangarap sa buhay.
Sa panayam ng Manila Bulletin kamakailan, ibinahagi ni Felizmeña, mula sa Barangay Pitogo sa Taguig, na mayroong siyang dalawang anak at siyam na apo.
Kaugnay nito, sinabi ng 70-year-old beauty queen sa kaniyang Facebook post na sumali siya sa pageant para ipakita sa lahat na hindi magiging huli ang lahat para magawa ng isang tao ang mga bagay na makapagpapasaya sa kaniya.
“I joined Mutya ng Taguig 2024 as I want to serve as an inspiration to everyone that no matter how old you are, it's never too late to chase for your dreams, never too late to represent yourself and the gift of your existence to the world, and never too late to do the things that make your heart happy,” ani Felizmeña sa kaniyang post.
“I joined Mutya ng Taguig 2024 for I believe that beauty is not in the face and that beauty is a light in the heart,” dagdag niya.
Nagpasalamat din ang kandidata sa naturang oportunidad na ipinagkaloob daw sa kaniya.
“I am grateful for every precious moment life offers me and I want people to see the beauty in my 70 years of life experience and I want them to also feel grateful for theirs ,” aniya.
Si Felizmeña ang pinakamatanda sa 37 kandidata na maglalaban-laban para sa Mutya ng Taguig 2024.
Ngayong taon sinimulang luwagan ng Taguig City government ang requirements para sa naturang pageant, kung saan inalis na ang maximum age limit at ang marital o parental status.
Gaganapin daw ang coronation night ng “Mutya ng Taguig 2024” sa pagtatapos ng Mayo.