Naging “masaya” ang paraan ng hatian ng lupa ng mga magkakapatid sa San Juan, Batangas dahil idinaan nila ito sa paborito nilang laro na “Bingo.”

Base sa ulat ng Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS), ang naturang lupa raw ay ipinagkaloob sa kanilang tatay ng orihinal na may-ari matapos ang limang dekadang pagiging “tenant” o taga-saka nito mula 1940s. Taong 2001 daw namatay ang kanilang ama habang noong nakaraang taon pumanaw ang kanilang ina, kaya’t ipinamana ang naturang lupa sa kanilang magkakapatid.

Dahil walang naiwan ang kanilang ina na “last will and testament,” naisipan daw ng panganay na anak na si “Crisanto” na idaan na sa paborito nilang laro na “Bingo” ang proseso ng hatian nito, at pumayag naman ang kaniyang mga kapatid.

Equally divided naman daw sa “13” ang lupang ipapamana sa kanilang 12 na magkakapatid, kasama ang pamilya ng namatay nilang isa pang kapatid. At ang paglalabanan lamang nila sa “Bingo” ay ang puwesto ng lupa na makukuha nila sa mana.

National

Sen. Risa, ipinagkatiwala na si Guo sa korte: ‘I look forward to the day you face justice!’

Naglagay raw ang magkakapatid sa “kalugan” ng numerong mula 1 hanggang 13 at kung ano man ang numerong nabunot ng bawat isa, ito ang bahagi ng lot number na mapapasakanila.

Hindi nakasama sa “Bingo” ang panganay na si Crisanto dahil pumayag daw ang lahat sa pakiusap nito na ang ikalimang lote ang mapunta sa kaniyang para sa tinayuan niyang poso doon.

Samantala, naging masaya naman umano ang proseso ng paghahatian ng lupa ng mga magkakapatid at pare-pareho silang nagkasundo sa naging resulta ng kanilang laro.

Sa ngayon ay plano raw ng magkakapatid na patituluhan na ang lupa para pormal nang maipangalan sa kanila ang parte ng kanilang namanang lote.