Tagumpay na grumaduate ang dating kargador at street vendor na si Jorenz Obiedo sa law school—at hindi lang iyon, siya pa ang naging valedictorian ng kanilang batch!
Base sa ulat ng 24 Oras ng GMA, ibinahagi ni Obiedo, 26, na sipag, tiyaga, at diskarte sa buhay ang naging sandata niya para maabot ang kaniyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.
Isang construction worker daw ang ama ni Obiedo, habang housewife naman ang kaniyang ina. Labing-dalawa rin silang magkakapatid. At dahil sa kahirapan, kinailangan niyang magtrabaho bata pa lamang para maitawid ang kaniyang pag-aaral.
Nasubukan daw ni Obiedo na maging kargador ng softdrinks, magbenta ng dirty ice cream, maging dishwasher ng lugawan, maging helper ng hardware store, at sumama rin sa kaniyang amang mag-construction.
Naranasan din daw niyang pumasok sa eskuwelahan nang walang baon.
Ngunit kahit anong hirap, hindi siya tumigil na sungkitin ang kaniyang pangarap.
"Ayokong maging part 'yung buhay ko ng cycle ng poverty. Ayoko rin pong maranasan ng magiging anak ko 'yung naranasan ko po," saad ni Obiedo sa panayam ng 24 Oras.
Dahil sa kaniyang pagsisikap, ganap nang grumaduate bilang batch valedictorian si Obiedo sa University of Caloocan College of Law.
Sa ngayon ay pangarap daw niyang magtrabaho sa Public Attorney’s Office upang makatulong din sa ibang taong naghihirap at humihingi ng hustisya.