Umaabot sa average na 12,000 Pinoy ang namamatay umano kada taon sa bansa dahil sa road accidents.

Ito ang iniulat ni Department of Health (DOH) Spokesperson Albert Domingo sa isang public briefing na idinaos nitong Biyernes, kasabay nang paggunita ng ahensiya sa Road Safety Month.

Ayon kay Domingo, kalimitang banggaan, tumatawid sa kalsada na nasagasaan, mga gumagamit ng bisikleta at motorsiklo at sumasakay ng tricycle ang dahilan ng pagkamatay ng mga biktima.

Saad ni Domingo, “Every year, on average, nasa mga 12,000 na Pilipino ang namamatay dahil sa banggaan, dahil sa pagtawid na nasasagasaan, at ang gumagamit ng motorsiklo, bisikleta, at pati ‘yung mga sumasakay sa tricycle."

Iniulat din naman ni Domingo na ang mga road traffic deaths sa bansa ay tumaas pa mula 7,938 noong 2011 at naging 11,096.

Karamihan o 84% aniya ng mga biktima ay pawang lalaki.

Nabatid na ang road accidents din ang itinuturing na pang-walo sa pangunahing dahilan ng pagkamatay sa buong mundo.

Ayon kay Domingo, ang nais ng DOH ay mapaghusay at gumanda ang awareness, understanding, at attitude ng mga mamamayan tungo sa road safety.

Target din aniya nilang mabawasan ang road traffic deaths ng 35% pagsapit ng 2028, sa pamamagitan ng Philippine Road Safety Action Plan at ng Inter-Agency Technical Working group on active transport.

Aniya pa, ang bisyon nila ay isang lipunan na may 'zero deaths' sa kalsada.

Samantala, pinayuhan din ni Domingo ang publiko na maging maingat at maglakad na lamang sa halip na sumakay ng behikulo kung malapit lang naman ang kanilang pupuntahan at kung maganda naman ang lagay ng panahon.