Naantig ang damdamin ng mga netizen sa "libreng sakay" ng isang tricycle driver mula sa Balanga, Bataan dahil nakapasa sa May 2024 Nursing Board Examination ang kaniyang anak na babae.

Sa Facebook post ng trike driver na si Froilan Canare Manrique, makikita ang paskil sa loob ng kaniyang pamasadang tricycle na libre na ang pamasahe ng sinumang sasakay dahil sa pagkakapasa ng anak sa board exam.

"Blessing is Sharing," aniya pa.

Human-Interest

Paano nga ba mag-goodbye ang ilang Gen Zs bago mag-New year?

Sa isa pang Facebook post ay makikita naman ang pagmamalaki ng ama para sa nakamit ng anak.

"CONGRATS TO MY UNICA HIJA"

"For passing the nursing 2024 licensure exam"

"May REGISTERED NURSE na ako..sulit na sulit ang paghihirap mo..mula umpisa sa pag aaral at sa pag review..

mabait talaga si lord,yun hiniling natin sa manaoag..quiapo church..saint claire.at saint jude..promise po babalik kami ulit at mag papasalamat.."

"Proud si mommy at tatay..kahit namamasada lang ng tricycle at rider..nakapagpatapos na ng nursing," mababasa sa kaniyang post.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Froilan, sinabi niyang naigapang niya sa pamamasada ang pag-aaral ng anak na si Leire Lani na isa na ngang ganap na registered nurse (RN).

Mula elementary hanggang college daw ay naging puhunan ni Froilan ang pamamasada para mapagtapos ng pag-aaral ang unica hija. 23 taon na raw niyang ginagawa ang hanapbuhay at tinitiyak daw niyang siya ang naghahatid-sundo sa anak.

Nawa raw ay magsilbing inspirasyon ang anak niya sa iba pang mga estudyante na maging mapagpasalamat sa kanilang mga magulang na nagsasakripisyo para makatapos sila ng pag-aaral.

"Sana nga po mapansin din ng iba, para 'yong students maiisip 'yong hirap ng magulang mapag tapos lang {sila] sa pag-aaral, para magsumikap din po 'yong ibang anak," ani Froilan.

"Kasi talagang nasusumikap ako makatapos lang siya."

"Marami rin mga student or anak na hindi pinapahalagahan 'yong paghihirap ng parents nila. Meron hindi nakakatapos kahit may pera sila, minsan nakakapag-asawa agad. Kaya pasalamat din ako kay lord at binigyan Niya kami ng mabait at matalinong anak," dagdag pa ni Froilan.

Bukod sa pamamasada ng tricycle ay isa ring rider si Froilan.

Pagbati sa inyong mag-ama!

---