Nanawagan si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon kay Senate President Migz Zubiri na tanggalin na si Senador Bato dela Rosa bilang chairperson at miyembro ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.

Sa isang video nitong Miyerkules, Mayo 15, kinuwestiyon ni Gadon ang pag-imbestiga ng komite ni Dela Rosa sa umano’y nag-leak na dokumento mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagsasangkot kay Pangulong Bongbong Marcos sa iligal na droga.

Giit ni Gadon, dumedepende lamang umano si Dela Rosa sa mga “sabi-sabi” at sa witness na si dating PDEA agent Jonathan Morales, na tinawag naman ng pangulo kamakailan na isang “professional liar.”

MAKI-BALITA: PBBM, tinawag na ‘professional liar’ si ex-PDEA agent Morales

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Kaugnay nito, sinabi ni Gadon na pag-aaksaya lamang daw sa pera ng bayan ang pagsasagawa ng naturang mga pagdinig, kaya’t dapat na umanong alisin sa komite si Dela Rosa.

"Nananawagan ako kay Senate President Migz Zubiri na palitan, tanggalin na diyan sa committee na ‘yan si Bato dela Rosa dahil, nakita n’yo naman, wala naman talagang pinatutunguhan kundi gusto lang ay mag-create ng destabilization kay President Bongbong Marcos,” giit ni Gadon.

Binanggit din ng presidential adviser na “nami-miss” na raw niya ang mga senador na “mahuhusay,” “matatalino” at “magagaling.”

“Itong si Senator Bato Dela Rosa ay isipin n’yo naman, he cannot even express himself in straight English. At even tagalog, mali-mali pa, o kaya’y nauutal pa. Ano ba namang klaseng senador ‘yan. Kaya dapat huwag nang gawing chairman ‘yan ng committee,” ani Gadon.

Nanawagan din si Gadon kay Zubiri na dapat umanong bayaran ni Dela Rosa ang nagastos ng komite sa pagsasagawa ng kanilang pagdinig hinggil sa umano’y PDEA leaks.

“Dapat ‘yang ginastos diyan sa hearing na ‘yan ay isingil, dapat bayaran ni Senator Bato dela Rosa. Walang kakuwenta-kuwenta,” saad ni Gadon.

Matatandaan namang sa isinagawang pagdinig ng komite hinggil sa nasabing isyu ng umano’y PDEA leaks, kinuwestiyon ni Dela Rosa kung bakit “cocaine test” lamang umano ang ginawa kay Pangulong Marcos noong 2021 at hindi kasama ang iba pang uri ng droga tulad ng “shabu” at “marijuana.”

MAKI-BALITA: Sen. Bato, kinuwestiyon bakit ‘cocaine test’ lang ginawa kay PBBM noong 2021

Samantala, sa nasabing pagdinig ay inihayag ni Zubiri na galit daw sa kaniya ang “Marcos group” matapos niyang payagan si Dela Rosa na ipagpatuloy ang nasabing imbestigasyon ng komite. 

MAKI-BALITA: ‘Marcos group’, galit daw kay Zubiri nang payagan si Dela Rosa mag-hearing