Posibleng imbestigahan na rin sa Kongreso si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos maghayag ng pagkaalarma ang ilang mga mambabatas sa nangyaring pagdinig ng Senado hinggil sa identidad ng alkalde.
Matatandaang kamakailan lamang ay kinuwestiyon ni Senador Risa Hontiveros sa Senate hearing ang kawalan ng school at hospital records ni Guo matapos imbestigahan ang umano’y pagkasangkot ng alkalde sa ni-raid na isang Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa lalawigan.
Nang tanungin ng senadora si Guo kung saang bahay siya ipinanganak at kung saang school provider nakakonekta ang kaniyang naging guro nang mag-homeschool, ang naging sagot nito ay “hindi niya alam” at “hindi na niya matandaan.”
Nasa 17-anyos na umano ang alkalde nang mairehistro ang kaniyang kapanganakan sa bahay, at wala rin daw itong diploma dahil tuloy-tuloy umano siyang nag-aral sa pamamagitan ng homeschooling kung saan siya tinuruan ng isa niyang tutor habang naninirahan sa isang “farm.”
MAKI-BALITA: Mayor ng Bamban, Tarlac, walang school at hospital records?
Kaugnay nito, sa isang media briefing nitong Lunes, Mayo 13, na inulat ng ABS-CBN News, sinabi ni House Assistant Majority Leader at AKO Bicol party-list Rep. Raul Angelo “Jil” Bongalon na maaaring magsagawa ng parallel investigation ang lower chamber hinggil kay Guo dahil nakakaalarma raw ang nadiskubre ng Senado.
“On the issue of Mayor Alice Guo, I guess it’s a possibility to have a parallel investigation here in House of Representatives. This is very serious and at the same time very alarming, because imagine, allegedly isa pong Chinese person, was able to register herself 17 years after na siya po ay ipinanganak, so late registration po ‘yung nangyari,” ani Bongalon.
“These are very alarming. Kumbaga minamanipula nila ang ating mga batas ang atin pong mga proseso dito sa ating bansa and dapat po matigil ito. This is a national security issue na kailangan pong pagbigyan at pagtuunan ng pansin ng ating gobyerno,” dagdag pa niya.
Pinaalalahanan din ni Bongalon ang Commission on Elections na siyasating mabuti ang mga kandidato sa darating na 2025 midterm elections.
“Dapat i-screen nila lahat ng mga kakandidato ngayong darating na midterm elections, na dapat sila po ay nagsasabi ng totoo,” aniya.
Samantala, iginiit naman ni House Assistant Majority Leader and La Union First District Rep. Francisco Paolo Ortega na “medyo shady” raw talaga ang nangyayari kaugnay ng identidad ng ni Guo.
“Kasi parang ‘di mo alam kung saan ka nanggaling. Parang ganoon ‘yung dating. Kahit sino naman siguro sa’tin dito alam kung saan kayo nag-aral, sino ‘yung mga ganitong relevant na tao, saka mga importanteng highlights ng buhay mo,” saad ni Ortega.