Nagsampa ng kasong libel at cyber libel si dating Senador Antonio Trillanes laban kina Atty. Harry Roque, ilang hosts ng SMNI, vlogger na si “Banat By” at ilan pa umanong mga “pro-Duterte vloggers at trolls.”

Sa isang X post, inihayag ni Trillanes na isinampa niya ang kaniyang reklamo sa Quezon City Prosecutor’s Office at National Bureau of Investigation nitong Martes, Mayo 14.

“Ngayong araw na ito, tayo po ay nagsampa ng kasong libel at cyber libel sa Quezon City Prosecutor’s Office at sa National Bureau of Investigation laban kina Atty. Harry Roque, Vlogger Banat By, mga hosts ng SMNI, at mga pro-duterte trolls na patuloy na nagkakalat ng fake news sa iba’t ibang social media platforms laban sa akin,” ani Trillanes.

Kasama sa mga troll accounts na ating sinampahan ng kaso sa NBI ay ang Mr. Realtalker or Lods Chinito (with Tiktok handles @chinitorealtalker and @chinitotisoy01); Melagin Nastor Evangelista o CATASTROPHE (with X handle @gurlbehindthisb ); JoeLas (with X handle @j_laspinas ), Michael Gorre o KampilaBoy (with X handle @KampilanBoy ); Hampaslupang Mandaragat (with X handle @JohnAmasa2 ); at X handle @SaraAll2028,” dagdag pa niya.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Sa isa namang panayam ng mga mamamahayag sa QC Prosecutor’s Office, binanggit ni Trillanes na ang kaniyang pagsampa ng libel at cyber libel sa naturang mga indibidwal ay dahil umano sa pagpapakalat ng mga ito ng maling impormasyon laban sa kaniya.

“Nakita natin na itong panahong ito ay makakakuha na tayo ng hustisya. Hindi natin ito inaasahan noong panahon ni Duterte. Kaya ngayon natin naisipang i-file ito,” ani Trillanes.

“Ang paratang ng karamihan ay binenta ko raw ang scarborough. Paulit-ulit ko itong sinasabi, kahit na ilang paliwanag na ang ginawa ko, kaya ngayon, kakasuhan ko na sila,” saad pa niya.