Inamin ng ama ni Deniece Cornejo na si Dennis Cornejo na sumasama raw ang loob niya sa bashers ng kaniyang anak matapos nitong hatulan ng Taguig Regional Trial Court (RTC) Branch 153 ng “guilty without reasonable doubt” kasama ang dalawang iba pa kaugnay sa isinampang kaso ni “It’s Showtime” host Vhong Navarro.
MAKI-BALITAl Cedric Lee, Deniece Cornejo guilty sa kasong isinampa ni Vhong Navarro
Sa eksklusibong panayam kasi ng Philippine Entertainment Portal kay Dennis nitong Lunes, Mayo 13, sinabi ni Dennis na hindi raw niyang mapigilang magbasa ng mga komento sa social media.
“Ang problema kasi sa akin, dapat hindi ako nagbabasa ng comments pero gusto ko pa rin basahin. Kapag nakita ko na maling-mali ‘yong mga sinasabi nila, do’n lalong sumasama ang loob ko kasi gusto kong ma-correct. Mali, e,” saad ni Dennis.
“Diyan ako mahina. Alam ko naman na hindi ko dapat basahin, pero naghahanap kasi ako ng taong makakaintindi. Na fair ‘yong comment niya kasi yun ang nagpapagaan ng kalooban ko,” wika niya.
Dagdag pa niya: "Ganoon ako na hindi dapat kasi ako rin ang nagpapahirap sa sarili ko. Ang hirap talaga. Hindi ko lubos-maisip na forty years siyang makukulong, ganoon ang kalalabasan?”
Gayunpaman, naniniwala pa rin daw si Dennis na darating ang panahon na lalabas ang katotohanan. Dahil kung may higit mang nakakakilala sa anak niyang si Deiece iyon ay walang iba kundi siya.
“As a father, it’s normal for me, kasi alam ko kung paano ko pinalaki ang anak ko, so I can tell the truth,” sabi niya.
Dugtong pa ni Dennis: “Kahit isang hibla ng buhok ng anak ko, yang mga nagsasalita na yan, hindi nila kilala ang anak ko. Wala silang alam.”
Kaya naman, sa isang bahagi ng panayam ay pinabulaanan niya ang lumulutang na paratang na gold digger umano si Deniece.
MAKI-BALITA: Tatay ni Deniece Cornejo, itinangging gold digger ang anak
Matatandaang nag-ugat ang gusot sa pagitan nina Deniece, Vhong Navarro, Cedric Lee at iba pang mga kasama dahil sa umano’y pagtatangkang paggahasa ng una kay Cornejo noong Enero 22, 2014.
MAKI-BALITA: BaliTanaw: Timeline ng mga nangyari sa kaso nina Vhong Navarro at Deniece Cornejo