Posibleng maharap sa kasong “perjury” si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kung mapapatunayang hindi talaga siya isang Filipino citizen, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Sa isang panayam sa Senado nitong Lunes, Mayo 13, sinabi ni Comelec chairman George Garcia na Certificate of Candidacy (COC) lamang ang ipinapasa sa kanila ng mga kandidato.

“Wala pong nire-require ang batas na i-submit, na patunayan mo, na dalhin mo ang nanay at tatay mo, para mapatunayan na ikaw ay Pilipino,” giit ni Garcia.

Samantala, mayroon daw nakalagay sa COC na deklarasyong “I am a citizen of the Philippines” na pinanunumpaan at nilalagdaan ng mga kandidatong tulad ni Guo.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“‘Yan po ay pinanumpaan niya,” ani Garcia. “Kung mapapatunayan na hindi naman pala talaga siya Filipino citizen, siya po ay pwedeng maging liable o makasuhan ng perjury sapagka’t pinanumpaan po niya ‘yung mismong [COC].”

Matatandaang kamakailan lamang ay kinuwestiyon ni Senador Risa Hontiveros sa Senate hearing ang kawalan ng school at hospital records ni Guo matapos imbestigahan ang umano’y pagkasangkot ng alkalde sa ni-raid na isang Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa lalawigan.

Nang tanungin ng senadora si Guo kung saang bahay siya ipinanganak at kung saang school provider nakakonekta ang kaniyang naging guro nang mag-homeschool, ang naging sagot nito ay “hindi niya alam” at “hindi na niya matandaan.”

Nasa 17-anyos na umano ang alkalde nang mairehistro ang kaniyang kapanganakan sa bahay, at wala rin daw itong diploma dahil tuloy-tuloy umano siyang nag-aral sa pamamagitan ng homeschooling kung saan siya tinuruan ng isa niyang tutor habang naninirahan sa isang “farm.”

MAKI-BALITA: Mayor ng Bamban, Tarlac, walang school at hospital records?

Matapos ito, ilang mga mambabatas ang naalarma at sinabing posibleng magsagawa ng parallel investigation ang lower chamber hinggil sa identidad ni Guo.

MAKI-BALITA: ‘Very alarming!’ Mayor Alice Guo, posibleng imbestigahan na rin sa Kamara