Viral ngayon ang isang lola sa Bulacan dahil sa paghingi nito ng limos para mabayaran umano ang ₱180 graduation picture ng kaniyang apo.

Sa Facebook post ng netizen na si Bham Dellosa Trinidad, ibinahagi niya ang larawan ng isang lola na lumapit umano sa kaniya para manghingi ng piso.

Trending

Estudyante sa Thailand, naipit ulo sa railings kasusulyap kay 'Crush'

Kwento ni Trinidad, na nagtitinda sa Fortune Market, binigyan niya umano ng limang pisong barya si lola pero sabi raw nito, piso lang naman daw ang hinihingi niya para sa kaniyang apo.

Hindi tuloy niya naiwasang magtanong kay lola kung bakit ito mag-isa at kung taga-saan ito.

Ayon daw kay lola, taga-Pandi, Bulacan daw siya. Nanghihingi siya ng limos para sa kaniyang apo dahil hindi pa raw umano ito nakakabayad ng graduation picture na may halagang ₱180. Dahil wala raw silang pera, nanlilimos na lang daw siya kahit malayo.

“Maya-maya umiiyak na si lola. Binawi ko ang limang piso na binigay ko at binigyan ko siya ng higit pa sa hinihingi niya at sinamahan ko na rin ng ulam para may mailuto siya pag-uwi at may makain sila ng apo niya,” paglalahad pa ni Trinidad.

“Habang umiiyak si lola, hindi ko na napigilan ang luha ko. Naawa ako sa kaniya at lahat gagawin niya para sa apo niyang magtatapos na. Grabe ang pagmamahal ng isang lola sa mga apo,” dagdag pa niya.

"Habang tinatype ko ito, hindi ko mapigilan ang sarili ko habang iniisip ko siyang umiiyak. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang hirap ng sitwasyon nila."

Samantala, sinabi rin ng uploader na kung may nakakakilala o makakakita raw kay lola sa Pandi ay tulungan daw ito.

Habang isinusulat ito, umabot na sa 129K reactions, 3.3K comments, at 47K shares ang naturang post.


Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.