“Tungkulin muna bago ang sarili…”
Hindi raw nagsisisi ang isang bombero matapos niyang unahin ang kaniyang tungkuling apulahin ang apoy sa kaniyang hanay bago puntahan ang kanilang sariling bahay na kasama sa mga nadamay sa sunog.
Sa panayam ng Manila Bulletin sa fire volunteer na si John Justin Gagarin, 19, ibinahagi nitong kinailangan niyang gawin ang kaniyang trabaho sa pag-apula ng sunog sa ibang mga bahay sa Malate, Maynila noong Mayo 7 kahit na sa kalagitnaan noo’y nalaman niyang kasama ang kanilang tahanan sa 50 bahay na natupok ng apoy doon.
Sa kabila ng pagkasunog ng kanilang kagamitan at mahahalagang dokumento sa kanilang bahay, hindi raw nagsisisi si Gagarin.
“Wala po akong pagsisisi, kasi wala naman pong mangyayari kung tutunganga lang po ako. Mas lalo lang din po kakalat ang sunog kapag hindi ko ginampanan ang katungkulan ko,” ani Gagarin sa MB.
Nagpapasalamat naman daw siya dahil wala sa kanilang pamilya ang nasaktan sa sunog.
Samantala, sinabi ni Gagarin na labis niyang pinahahalagahan ang kaniyang trabaho at palagi raw niyang uunahin ang kaniyang tungkulin para sa mga nangangailangan ng kanilang tulong.
"Pinapahalagahan ko ang pagiging fire volunteer katulad ng pagpapahalaga ko sa mga taong nakapaligid sa akin at mas mahal ko ang trabaho ko kesa sarili ko kaya nga dito pa lang napapatunayan ko talagang tungkulin muna bago ang sarili ko,” saad niya.
Sa ngayon ay nagrerenta raw si Gagarin kasama ang kaniyang pamilya sa isang bahay malapit sa nasunog nilang tahanan. Nagpapasalamat din siya sa lahat ng mga tumulong sa kanila para magkaroon ng bagong buhay na puno ng pag-asa.