Kinuwestiyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kung bakit “cocaine test" lamang umano ang ginawa kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong 2021 at hindi kasama ang iba pang uri ng droga tulad ng “shabu” at “marijuana.”
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs nitong Lunes, Mayo 13, tumestigo ang drug examiners mula sa St. Luke’s Medical Center – Global City, na lumagda sa drug test ni Marcos noong 2021, na base sa kanilang pagsusuri ay negatibo siya sa cocaine test nang taong iyon.
MAKI-BALITA: PBBM, negatibo sa cocaine test noong 2021 – drug analyst
Kaugnay nito, tinanong ni Dela Rosa kung bakit cocaine lamang umano ang ginawa kay Marcos, na noo’y presidential aspirant pa lamang.
Sinabi naman ni Dr. Cecilia Lim, head ng drug testing laboratory ng St. Luke, na “cocaine test” lamang daw ang hiningi ni Marcos noon sa kanila.
Muli itong kinuwestiyon ni Dela Rosa dahil kapag umano nagpapa-test ang isang indibidwal ay awtomatiko na raw na lahat ng kinakailang drug test ay isasagawa, at hindi na umano mamimili.
“May ganoon ba na hihingin? Kasi lahat ng tao dito sa Pilipinas, magpa-drug test, hindi naman nagtatanong na ‘i-test n’yo ko sa cocaine, i-test n’yo ko sa shabu, i-test n’yo ko sa marijuana.’ Wala. Pupunta ako sa inyo, magpa-drug test para ‘pag mag-negative, dadalhin ko ‘yung dokumento, maga-apply ako ng trabaho. ‘Yun lamang naman ang ginagawa natin,” giit ni Dela Rosa.
“Hindi naman kami nagre-request sa inyo na, ‘i-test n’yo ko sa cocaine, i-test n’yo ko sa shabu, i-test n’yo ko sa marijuana.’ Hindi ah [...] Bakit ini-specify na cocaine?” saad pa niya.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng komite ang umano’y nag-leak na dokumento sa PDEA na nagdadawit kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., maging sa aktres na si Maricel Soriano, sa iligal na droga.
KAUGNAY NA BALITA: Ex-PDEA agent Morales, hinamon si PBBM na magpa-drug test