Tila nagkainitan sina Senador Jinggoy Estrada at dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales sa pagdinig ng Senado nitong Lunes, Mayo 13, matapos banggitin ng huli ang pagiging “convicted” ng senador.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs hinggil sa umano’y nag-leak na dokumento sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kinuwestiyon ni Estrada, vice chairman ng komite, kung papayagan bang tumestigo sa Senado si Morales.
Ito ay matapos umanong lumitaw ang mga kaso ni Morales hinggil sa “planting of evidence,” “estafa,” “extortion,” at “false testimony.”
“How can we be sure if the video that is going to be presented before the committee is totally unedited, knowing this person has a lot of criminal records?” ani Estrada na pinatutungkulan ang isang video recording na inihanda ni Morales.
Sinabi naman ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, chairman ng komite, na hihingi sila ng tulong sa Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group upang malaman umano kung in-edit o putol ang video.
Samantala, sinagot ni Morales ang naging pagkuwestiyon ni Estrada, at sinabing hindi umano maganda ang naturang pagbitaw ng senador ng mga salita tungkol sa kaniya.
“Parang hindi naman po maganda ‘yung sinasabi ni Senator Jinggoy Estrada patungkol sa akin. Para namang ako talaga ang hinuhusgahan,” ani Morales.
“Ako’y may kaso pa lang, at hindi pa napapatunayan sa hukuman. Hindi kagaya po ng ating butihing senador, na-convict na po. Huwag naman pong ganoon,” dagdag pa niya.
Agad naman itong sinagot ni Estrada at sinabing huwag umano nitong pakialaman ang kaniyang kaso.
“Alam mo, Mr. Morales, huwag mong pakikialaman ang kaso ko, problema ko ‘yun. ‘Yung kaso mo ang ayusin mo, ha,” anang senador.
“‘Yung kaso ko, Your Honor, hinaharap ko naman po. At hindi ko po tinatakbuhan,” saad naman ni Morales.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng komite ang umano’y nag-leak na dokumento sa PDEA na nagdadawit kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at aktres na si Maricel Soriano sa iligal na droga.
KAUGNAY NA BALITA: Ex-PDEA agent Morales, hinamon si PBBM na magpa-drug test
Samantala, matatandaan namang noong Enero 2024 nang ideklara ng Sandiganbayan si Estrada na “guilty” sa kasong direct at indirect bribery.