Usap-usapan ang balitang imposible nang makauwi sa kaniyang bansa ang itinanghal na Miss Universe 2023 na si Miss Nicaragua o Sheynnis Palacios.

Sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, isang pahayagan sa Nicaragua ang nagbalita nito, kung saan nakasaad na baka hindi na raw posibleng makabalik sa bansa nila ang beauty pageant title holder.

Internasyonal

Mahigit 40 unggoy, nakatakas sa isang research compound sa South Carolina

View this post on Instagram

A post shared by Miss Universe (@missuniverse)

"Miss Universe Owner Confirms the Departure of Sheynnis Palacios' Family from Nicaragua and the Impossible Return to Her Homeland," salin daw sa wikang Ingles ng headline ng isang pahayagan sa Nicaragua.

Kinumpirma naman daw ni Miss Universe Organization owner Anne Jakrajutatip na tumulak paalis ng Nicaragua ang lola at kapatid na lalaki ni Palacios para madalaw siya, dahil hindi nga siya makabalik ng bansa.

Ang "indefinite exile" kay Palacios ay bunga raw ng pagiging vocal niya sa mga usaping panlipunan sa kaniyang bansa, na naging dahilan upang pigilan daw ni Nicaraguan President Daniel Ortega ang pagbabalik niya sa Lupang Tinubuan, matapos ang panalo sa Miss Universe sa El Salvador noong 2023.

Matatandaang napaulat na ito sa kasagsagan ng kaniyang panalo noon. Maging ang national director ng Miss Universe Nicaragua ay pinagbawalang makabalik sa bansa.

Itinuturing umano si Sheynnis bilang simbolo ng oposisyon ng gobyerno ng Nicaragua, kung saan pinaghihinalaan umano ang kaniyang kulay puti at asul na evening gown bilang simbolo ng pagtutol sa pamahalaan.

Inilarawan pa umano ng maraming exiles sa Nicaragua ang evening gown ni Sheynnis, na kahawig ng imahen ng Birhen ng Immaculada Concepcion, bilang simbolismo sa gitna ng pagsugpo umano ng gobyerno ng kanilang bansa sa Simbahang Katoliko.

Bukod dito, nag-aral umano ang Nicaraguan beauty queen sa Central American University, isang Jesuit school na isinara ng gobyerno noong Agosto dahil ito raw ay isang “sentro ng terorismo.”

Nitong Mayo naman ay dumating sa Pilipinas si Palacios para sa kaniyang Asian Tour. Naging emosyunal ang Miss Universe matapos masaksihan ang maalab na suporta sa kaniya ng Filipino pageant fans.

MAKI-BALITA: Miss Universe Nicaragua national director, ‘banned’ sa sariling bansa

MAKI-BALITA: National director ng Miss Universe Nicaragua, nagbitiw sa puwesto