Pagsapit ng buwan ng Mayo ipinagdiriwang ng Simbahang Katolika ang “Flores de Mayo” kung saan makikita ang masiglang pag-aalay ng mga deboto ng bulaklak kay Mahal na Birhen Maria.

Ngunit paano nga ba nagsimula ang “Flores de Mayo” at ano ang sinisimbolo nito?

Sa ulat ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) News, ibinahagi ni Msgr. Ramon A. Pet, HP, chairman of the Archdiocesan Commission on Catechesis and Catholic Education (ACCCE), na may pinaniniwalaang inihatid ng mga Kastilang misyonero ang pagdiriwang ng “Flores de Mayo” sa bansa.

Nangyari umano ito matapos ang proklamasyon ng dogma ng Immaculate Conception noong taong 1854.

BALITAnaw

BALITAnaw: Bakit ipinagdiriwang ang ‘National Hugging Day’ tuwing Enero 21?

Unang tinawag ang nasabing debosyon bilang “Flores de Maria,” kung saan kinuha ito mula sa librong “Devocion del Flores de Mayo,” na inimprenta noong 1867, ayon kay Msgr. Pet.

Mula noon, naging tradisyon na sa Pilipinas ang pagdiriwang ng “Flores de Mayo” na may layunin daw na palalimin ang pananampalataya at pagmamahal ng bawa’t isa kay HesuKristo sa pamamagitan ng kaniyang ina na si Birheng Maria.

“The Flores de Mayo is a beautiful tradition very close to the hearts of the Filipino, known as and called ‘Pueblo amante de Maria’ (“people in love with Mary”) We should foster this devotion so that it will never go away despite the negative influence of modern culture on the younger generation,” ani Msgr. Pet.

Tuwing ipinagdiriwang ang “Flores de Mayo,” isinasagawa sa mga kapilya ng iba’t ibang bayan sa bansa, maging sa ilang mga tahanan, ang debosyon tulad ng pagnonobena at pag-aalay ng mga bulaklak sa imahen ng Birheng Maria, na sinasamahan din ng pag-awit ng mga bata.

Bukod dito, karaniwan ding ginaganap ang “SantaCruzan,” kung saan sumasagala ang mga kabataang babae at nirerepresenta nila ang iba’t ibang titulo ng Birheng Maria, kasama ang iba pang figures sa Bibliya o kasaysayan. 

“Flowers of May” raw ang kahulugan ng “Flores de Mayo" sa Kastila.

Kaugnay nito, ayon kay Msgr. Pet, sinisimbolo ng mga inaalay na bulaklak ang virtues ng Birheng Maria na dapat daw tinutuloy ng mga deboto, kasabay ng panalangin na sa pamamagitan ni Mama Mary, pagpapalain ng Diyos ang mga bata at kanilang mga pamilya, maging ang buong parokya.

“The true meaning of the offering of flowers to the Virgin Mary is a sign of love for the Mother of God as the spiritual mother of the people,” saad ni Msgr. Pet.