Paano kung ang requirements sa pag-utang ay isang larawan at hibla ng buhok, uutang ka pa ba?
Kinaaliwan ng mga netizen ang isang post sa Facebook page na "Homepaslupa Buddies 4.0" dahil sa nakapaskil na requirements para makautang sa isang tindahan.
Sa larawang ibinahagi ni "Sharmaine Velasco," makikitang dalawa lang ang makikitang hihingin ng nagtitinda sa mga magtatangkang umutang. Isang 1 x 1 picture at isang hibla ng buhok.
May P.S. o pahabol pa itong mensahe na "Madali naman kami kausap pag di kayo nakabayad."
Bagama't wala namah tinukoy kung bakit kailangan ng hibla ng buhok, na-gets ng mga netizen na ito ay puwedeng gamitin sa "pangungulam" o "pambabarang."
Sa panahon kasi ngayon, tila kapansin-pansin ang ilang mga insidente ng mabilis na pangungutang subalit mabagal naman kapag bayaran o singilan na.
Narito naman ang ilan sa mga kuwelang reaksiyon at komento ng netizens:
"Mapapaalbularyo ng di oras pag di nagbayad"
"Dapat pala ganito hahahaha."
"Sample ng dugo para sure hahaha."
"Hindi na lang pala ako mangungutang, may tanim naman kaming kamote sa bakuran haha."
"Patay ka 😆 tatakbo ka pabalik sa kanila ng Hindi nakalapat ang mga paa mo sa lupa.HAHAHA 😆"
Sa panayam ng Balita kay Sharmaine, inamin niyang hindi siya ang orihinal na nag-picture nito kundi nakita lang din niya ang larawan sa social media. Kinaaliwan niya ito kaya inupload niya sa FB page. Nakalagay rin sa caption ang hashtag na #cttoofphotonotmine. Gayunman, marami pa rin ang na-good vibes at napatawa sa kaniyang post.