Napatawa si Senador Risa Hontiveros sa naging kwelang pagtanong ni Vice Ganda sa Chinoy searchee ng “EXpecially for You” ng “It’s Showtime” hinggil sa birth certificate nito, na patama raw sa nangyaring pagdinig sa Senado kamakailan.

Sa isang Facebook post nitong Biyernes, Mayo 10, naglabas ng reaction video si Hontiveros sa episode ng It’s Showtime kung saan ipinapakita ang kwelang “pagkuwestiyon” ni Vice sa lugar ng kapanganakan ng Chinoy searchee at sa birth certificate nito.

“May birth certificate ka?” tanong ni Vice sa Chinoy searchee na nagngangalang “Chris.”

“Opo,” agad namang sagot nito.

Vice Ganda, tinanong Chinoy searchee sa ‘EXpecially For You’: ‘Alam mo ba saan ka pinanganak?’

“Taga-saan mga magulang mo?” tanong muli ni Vice, bagay na nagpatawa kay Hontiveros sa video.

Sinagot naman ni Chris ang katanungan at sinabing Pinay ang kaniyang ina habang pure Chinese ang kaniyang ama.

“Alam mo ba kung saan ka ipinanganak?” sundot ulit ni Vice na nagpatawa muli sa senadora.

“Yes. Sa Olongapo po,” sagot naman ni Chris.

“Oh at least naaalala niya,” sabi ni Vice na nagpabunghalit muli ng tawa kay Hontiveros.

“Sino bang hindi nakakaalala,” biglang tanong ng co-host ng unkabogable star na si Jhong Hilario.

“‘Yung doon sa Senate hearing… Hindi mo ba napanood? Panoorin n’yo kaya para aware tayo. Para hindi puro ‘Asoka’,” natatawang sabi pa ni Vice.

Pagkatapos ng reaction video ay natatawang nagbigay si Hontiveros ng maikling mensahe kay Vice.

“Hi, Vice. Naku, thank you sa pagsubaybay. Para kang guardian angel,” mensahe ng senadora.

Matatandaang kamakailan lamang ay kinuwestiyon ni Hontiveros sa isang Senate hearing si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil napag-alamang wala siyang school at hospital records.

Nang tanungin ng senadora ang alkalde kung saang bahay siya ipinanganak at kung saang school provider nakakonekta ang kaniyang naging guro nang mag-homeschool siya, ang naging sagot nito ay “hindi niya alam” at “hindi na niya matandaan.”

Ang naturang pagkuwestiyon sa identidad ni Guo ay nangyari matapos imbestigahan ang umano’y pagkasangkot niya sa ni-raid na isang Philippine offshore gaming operation (POGO) sa lalawigan.

https://balita.net.ph/2024/05/10/mayor-ng-bamban-tarlac-walang-school-at-hospital-records/