Nagpasalamat ang transport groups na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at Manibela kay Unkabogable Superstar Vice Ganda dahil sa naging “pagtindig” nito sa panawagan ng mga tsuper sa bansa.
Ito ay matapos ipakita ni Vice sa kaniyang trending entry ng “Piliin Mo Ang Pilipinas” challenge ang ilang mga isyung panlipunan ng bansa, tulad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Sa naturang video ay ipinakita ang ilang mga tsuper na nagwewelga para tutulan ang PUVMP na magpi-phase out sa mga tradisyunal na jeepney ng bansa.
“Salamat Meme Vice Ganda sa patuloy na pagtindig sa panawagan ng mga Pilipinong tsuper! ,” anang PISTON sa isang Facebook post.
“Sa harap ng tumitinding krisis sa bansa dulot ng dayuhang panghihimasok, napapanahon ang mensahe ng bagong viral video ni Meme—PILIIN MO ANG PILIPINAS! ,” dagdag pa nito.
Nagpasalamat din ang Manibela kay Voce dahil sa malasakit daw nito sa mga tsuper ng bansa.
“Maraming salamat sa malasakit Vice Ganda! Wala [nang] mas hihigit pa sa pagmamahal sa ating kultura! Wala [nang] mas hihigit pa sa malasakit sa kapwa Pilipino,” saad ng Manibela.
Hindi naman ito ang unang beses na nagpakita ng suporta si Vice para sa Piston.
Matatandaang kamakailan lamang ay pinili ng grupo ni Vice ang PISTON bilang kanilang beneficiary nang mag-guest ang “It’s Showtime” family sa “Family Feud.”