Nagbigay ng komento ang Liberal Party (LP) sa naging entry ni Unkabogable Superstar Vice Ganda sa TikTok trend na “Piliin Mo Ang Pilipinas” challenge.
Base sa TikTok video ni Vice na inilabas niya sa kaniyang social media accounts nitong Biyernes, Mayo 10, ipinakita niya rito ang ilang mga isyung panlipunan tulad ng panawagan ng mga tsuper na huwag ipasa ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na magpi-phase out sa mga tradisyunal na jeepney.
Bukod dito, ilan din sa mga ipinakita ni Vice sa video ay ang araw-araw na suliranin ng mga pasahero sa traffic, pagtatayo ng building sa likod ng Rizal Monument, pagtatayo ng resort sa gitna ng Chocolate Hills sa Bohol at ang naging pambobomba ng China Coast Guard sa sasakyang pandagat ng Pilipinas dahil sa isyu ng West Philippine Sea.
Inihayag din ng unkabogable superstar sa video ang kaniyang mensahe na kahit mahirap daw ipaglaban ang Pilipinas, palagi pa rin niya itong pinipili.
“We got the message Vice. Salamat! ,” komento ng LP sa naturang video ni Vice.
Bukod sa LP, pinuri rin ng mga kapwa celebrity ni Vice, influencers, at netizens ang naging mensahe ng kaniyang “Piliin Mo Ang Pilipinas” entry, kung saan ginamit daw niya ang kaniyang plataporma para ipakita ang tunay na nangyayari sa bansa.