Tuwing pangalawang Linggo ng Mayo, tulad ngayong araw, ating ipinagdiriwang ang Mother’s Day. Ngunit, hindi ka ba nagtataka kung bakit ngayon ang selebrasyon natin ng araw ng mga ina?

Halina’t ating BaliTanawin ngayong espesyal na araw ang kuwento ni Anna Jarvis at ng kaniyang mahal na ina – isang kuwento ng pinanggalingan ng Mother’s Day.

Ayon sa mga ulat, partikular na ng Legacy Project, isang independent research, education, at social innovation group, ginanap ang unang selebrasyon ng Mother’s Day sa United States noong taong 1908 dahil kay Anna Jarvis, isang anak na nangungulila sa kaniyang yumaong ina.

Ang ina ni Anna Jarvis ay si Ann Reeves Jarvis na tinawag ding “Mother Jarvis”, isang matapang na babae na puno ng adbokasiya para sa ikauunlad ng iba at ng lipunan.

Mga Pagdiriwang

Ang mayamang tradisyong tatak ng 'Paskong Pinoy'

Inilunsad ni Mother Jarvis ang “Mothers Day Work Clubs” na kalaunang tinawag na “Mothers Friendship Clubs” noong 1850s sa West Virginia area.

Noong mga panahong iyon, ninais niyang labanan ang mahinang kondisyon ng kalusugan at sanitasyon na umiiral sa maraming lugar at nag-ambag sa mataas na dami ng namamatay na mga bata, kabilang na ang kaniyang walong anak na wala pa sa pitong taong gulang.

Bukod dito, sa simula ng Civil War ay tinawag ni Mother Jarvis ang apat sa kaniyang mga Club at hiniling sa kanila na mangakong gagamutin ang lahat ng mga biktima sa mga naglalabang mga estado. Doon ay nag-alaga sila ng mga sundalo mula sa magkabilang panig at nagligtas ng maraming buhay.

Nang matapos naman ang Civil War ay nagsilbing tagapamayapa si Mother Jarvis. Hinikayat niya ang bawat pamilya na isantabi ang mga pagkakaibang dulot ng polarisasyon ng digmaan.

Noong 1868, nag-organisa siya ng “Mothers Friendship Day” upang pagsama-samahin ang mga pamilyang nahati sa labanan. Naniniwala si Mother Javis na muling mapagkakasundo ang mga magkakaibigan at magkakapamilya sa pamamagitan ng pagmamahal at paggalang na mayroon ang lahat para sa kanilang ina.

Nakapaglikha naman ito ng napaka-emosyonal na kaganapan, kaya’t ilang iba pang Mothers Friendship Days ang ginanap pagkatapos noon.

Nang pumanaw si Mother Jarvis noong ikalawang Linggo ng Mayo, naglunsad ang kaniyang anak na si Anna ng isang maliit na pagtitipon noong 1907 upang parangalan ang mga ina.

Noong 1908, hinikayat ni Anna ang simbahan ng kaniyang ina sa Grafton, West Virginia na ipagdiwang ang Mother’s Day sa anibersaryo ng pagkamatay ng kaniyang ina.

Sinabi ni Anna na magsisilbi iyong araw para parangalan ang lahat ng mga ina, at isang araw din para alalahanin ang gawain ng kapayapaan, pagkakasundo, at panlipunang pagkilos laban sa kahirapan na sinimulan ni Mother Jarvis. Sa parehong taon, ang Mother’s Day na pinaglalaba ni Anna ay ipinagdiwang din sa Philadelphia.

Matapos ang unang matagumpay na Mother’s Day, hinangad ni Anna na gawin itong isang pambansang pagdiriwang. Kaya naman kasama ng kaniyang mga taga-suporta ay walang sawa silang sumulat sa mga kinauukulan at sa pamahalaan na magtatag ng isang Mother’s Day upang parangalan ang lahat ng mga ina.

Hanggang sa nagtagumpay nga sina Anna dahil taong 1914 nang opisyal nang idineklara ni Pangulong Woodrow Wilson ang Mother’s Day bilang isang national holiday na gaganapin sa bawat taon sa ikalawang Linggo ng Mayo.

Iniutos ni Wilson na i-display ang bandila ng United States sa lahat ng pampublikong gusali upang parangalan ang mga ina na pinagmumulan umano ng lakas at inspirasyon ng bansa.

Matapos ang tagumpay na iyon ay sumulat din ni Anna ang iba pang mga bansa upang hikayating ipagdiwang din ang Mother’s Day. Kaya’t kalaunan, ang nasabing pagdiriwang ay ginaganap na rin sa maraming bansa, kahit sa iba ay sa ibang petsa ang selebrasyon nila nito.

Sa Pilipinas, ipinagdiriwang dati ang Mother’s Day sa unang Lunes ng Disyembre alinsunod sa proklamasyong pinirmahan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1980. Ngunit inilipat kalaunan ni dating Pangulong Cory Aquino ang petsa sa ikalawang Linggo ng Mayo, tulad sa United States.

Bagama’t ibinalik umano ito noong 1998 ni dating Pangulong Joseph Estrada sa unang Lunes ng Disyembre, nakasanayan na ng lahat na ipagdiwang ang Mother’s Day katulad sa United States, kung kailan namatay si Mother Jarvis.

Noong unang mga taon ng pagkakatatag ng Mother’s Day ay ipinagdiriwang umano ito ng mga tao sa pamamagitan ng pagsisimba, pagsulat ng mga liham sa kanilang mga ina, at paggugol ng oras na magkasama.

Ngunit sa paglipas ng mga taon, mas maraming tao ang nagsimulang bumili ng mga card, regalo, at bulaklak. Dito nadama ni Anna na nagiging komersyalismo na ang Mother’s Day, bagay na hindi niya ikinatuwa. Ayon sa kaniya, ipinaglaban niyang magkaroon ng Mother’s Day hindi para sa pera o kita, kundi upang maparangalan ang mga ina.

Hindi man nabiyayaan ng anak si Anna, itinuring siyang ina ng Mother’s Day. Bawat pagdiriwang ng pangalawang Linggo ng Mayo ay napupuno umano ng libo-libong mga sulat at cards ang kaniyang silid mula sa iba’t ibang dako ng mundo, pinasasalamatan siya sa paglulunsad ng Mother’s Day.

Samantala, paulit-ulit namang sinabi ni Anna na ang kaniyang minamahal na ina na si Mother Jarvis, na siyang inspirasyon niya upang ipaglaban ang Mother’s Day, ang tunay na nagpasimula nito.

Nasawi si Anna noong 1948 sa edad na 84.

Kahit wala na si Anna at ang kaniyang inang si Mother Jarvis, ang iniwan nilang pamana hanggang ngayon ay naisasabuhay pa rin: ito ay ang Mother’s Day na naglalayong parangalan ang mga ina, at maghatid ng kapayapaan at pagmamahal sa bawat isa.

Happy Mother’s Day!