Pinagdududahan ngayon ang identidad ng alkalde ng Bamban, Tarlac na si Mayor Alice Guo dahil napag-alamang wala siyang school at hospital records.

Ito ay matapos imbestigahan ang umano’y pagkasangkot ng alkalde sa ni-raid na isang Philippine offshore gaming operation (POGO) sa lalawigan.

Sa isang pagdinig ng Senado, tinanong ni Senador Risa Hontiveros si Guo kung saang bahay siya ipinanganak at kung saang school provider nakakonekta ang kaniyang naging guro nang mag-homeschool siya.

Ang naging sagot ng alkalde ay “hindi niya alam” at hindi na niya matandaan ang naturang mga impormasyon hinggil sa kaniyang sarili.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Nasa 17-anyos na umano si Guo nang mairehistro ang kaniyang kapanganakan sa bahay, at wala rin daw itong diploma dahil tuloy-tuloy umano siyang nag-aral sa pamamamagitan ng homeschooling kung saan siya tinuruan ng isa niyang tutor habang naninirahan sa isang “farm.”

Kaugnay nito, kinuwestiyon ni Hontiveros kung posibleng isang Chinese national dahil wala umanong kahit anong record sa bansa, at naging instrumento umano ito sa pagpasok na malaking POGO company sa Pilipinas.

“Totoo kaya na Chinese talaga si Mayor Alice Guo?” ani Hontiveros.

“Importante ‘yang itanong dahil si Mayor Alice, na walang record dito sa bansa, ang siyang naging instrumento para makapasok ang napakalaking industriya ng POGO sa Pilipinas, na ayon sa intel ay sangkot naman sa hacking at surveillance activities, lalo na sa mga government websites,” saad pa niya.

Magpapatuloy naman umano ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa identidad ni Guo at ang umano’y koneksyon niya sa China.