Patuloy pa ring nakaaapekto ang frontal system at easterlies sa bansa ngayong Biyernes, Mayo 10, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Batanes at Cagayan dahil sa frontal system, na nabubuo raw kapag nagsalpukan ang mainit at malamig na air masses.
“'Yun pong frontal system ay inaasahan po nating kikilos pa-hilaga at maaari pong mamayang gabi o bukas ay ‘di na ito makaaapekto sa ating bansa,” ani Pagasa Weather Specialist Aldczar Aurelio.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, magiging mainit pa rin daw ang panahon, na may posibilidad ng mga pulo-pulong pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dulot ng epekto ng easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, at ng localized thunderstorms.
Sa ngayon ay patuloy pa rin namang binabantayan ng PAGASA ang Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ) sa silangang bahagi ng Mindanao sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR). Hindi pa naman umano nakaaapekto sa alinmang bahagi ng bansa ang ITCZ.