“Sundin niya ‘yung panawagan ng taumbayan, magpa-hair follicle drug testing siya.”
Ito ang hamon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos siya nitong sabihan ng “professional liar.”
Matatandaang nagbigay ng testimonya kamakailan si Morales hinggil sa umano’y “authenticity” ng nag-leak na dokumento noong 2012, kung saan kasama raw sina Marcos, na noo’y senador ng bansa, at aktres na si Maricel Soriano sa mga dawit sa iligal na droga.
Matapos nito, sinabihan siya ni Marcos nitong Biyernes, Mayo 10, na professional liar” at para umanong “jukebox” na kakantahin ang mga gustong ipakanta sa kaniya para sa pera.
Pagbuwelta naman ni Morales, “napapraning” na umano si Marcos at “mukhang ito na ang epekto ng ipinagbabawal na gamot sa kaniya.”
Binigyang-diin ni Morales na hindi niya inaakusahan si Marcos. Nadawit umano ang pangulo sa iligal na droga dahil daw sa resulta ng imbestigasyong isinagawa niya.
Kaugnay nito, hinamon ni Morales ang pangulo na magpa-drug test para mapatunayan umanong hindi siya gumagamit ng pinagbabawal na gamot.
“Naghihinala siya, ‘no? Ito ‘yung tinatawag na napapraning. Nakakaawa siya dahil mukhang ito na ang epekto ng ipinagbabawal na gamot sa kaniya. Kaya kapag ganito ‘yung kilos at pananalita ng ating pangulo ay marapat lamang talaga na sundin niya ‘yung panawagan ng taumbayan, ‘yung magpa-hair follicle drug testing siya,” ani Morales.
“Ngayon, ang burden of proof, nasa kaniya. Magpa-drug test siya para patunayan niya sa taumbayan na hindi siya nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot,” saad pa niya.