Matapos ang ilang taong pagbabanat ng buto habang nag-aaral, tagumpay na nakatapos ng kolehiyo ang traffic enforcer sa Antipolo City na si Francis Allit Caballero.

Base sa Facebook post ni Antipolo City Mayor Jun Ynares nitong Huwebes, Mayo 9, na inulat din ng Manila Bulletin, isa si Caballero sa kanilang mga scholar na nakapagkamit na ng degree holder.

Pampito raw sa siyam na magkakapatid si Caballero, at pagkokopra at pagsasaka ang ikinabubuhay nilang pamilya. 

“Bata pa lang, namulat na siya sa pagbabanat ng buto para makatulong sa kaniyang mga magulang. Suntok sa buwan ang makapag-high school sa kanilang probinsya dahil sapat lang ang kanilang kita sa pang-araw araw nilang pangangailangan. Ito ang nagtulak kay Francis na lumuwas para sa pangarap na edukasyon,” kuwento ni Ynares.

Human-Interest

WFH employee, nagbigay-pugay sa supportive niyang ina: 'Dahil pala sa kaniya...'

Namasukan daw si Caballero sa Maynila bilang isang carwash boy at service crew, habang tuwing weekend ay umeextra siya sa pagtitinda ng inihaw sa kaniyang tiyahin.

“Kung sasapit naman ang buwan ng Disyembre, nagtitinda siya sa bangketa ng mga prutas. Sumasideline rin siya sa paglilinis ng bahay ng ilan niyang mga guro para may pambaon siya sa mga susunod na linggo at may maipadala kahit na maliit na pera sa kaniyang pamilya,” ani Ynares.

“Lahat ng ito’y pikit mata niyang binalikat at pinagtiisan para sa pangarap na maging unang miyembro ng pamilya na makapagtapos ng pag-aaral,” dagdag niya.

Samantala, nang tumungtong naman sa kolehiyo ay naisipan daw ni Caballeto na magtrabaho bilang isang traffic enforcer sa lokal na pamahalaan ng Antipolo City, sa ilalim ng Office of Public Safety and Security (OPSS) para may pangtustos siya sa kaniyang matrikula. Kaya naman, nakasama na rin daw siya sa kanilang scholarship program.

“Sa umaga, nasa paaralan siya para busugin ang kaniyang isipan ng dunong at kaalaman. Sa hapon, pagtapos ng eskwela, nasa kalsada naman siya para pamahalaan ang daloy ng trapiko sa lansangan,” saad ng alkalde.

Dahil sa kaniyang pagsisikap na magtrabaho habang nag-aaral, nito lamang Abril 30, 2024, ay grumaduate na si Caballero sa kursong Bachelor of Science in Criminology.

“Sa wakas, nagbunga ang lahat niyang pagsusumikap. Sa wakas, naisakatuparan niya rin ang kaniyang pinakaaasam-asam na pangarap,” saad ni Ynares.

“Congratulations, Francis! Your OPSS Family and the City Government are so proud of you! Patunay ang kwento ng iyong buhay na walang pangarap ang hindi kayang abutin kung sasamahan natin ito ng determinasyon at pagsusumikap. Saludo kami sayo! ,” dagdag pa niya.