Inihayag si Senador Raffy Tulfo na hindi niya pipigilan ang nakababata niyang kapatid na si ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo kung tatakbo ito bilang senador ng bansa.

Sa isang panayam ng “Headstart” ng ABS-CBN News Channel (ANC) nitong Huwebes, Mayo 9, sinabi ni Raffy na kapag nagkikita raw sila ni Erwin, maging iba pa niyang kapatid, ay hindi raw nila pinag-uusapan ang politika.

Kaugnay nito, hindi raw niya pakikialaman ang kaniyang nakababatang kapatid kung ano man daw ang magiging desisyon nito sa 2025 midterm elections.

"Whether gusto ko bang makasama si Erwin sa Senate o hindi, that's his decision. I cannot stop him. Hindi ko siya hawak sa leeg. Kung gusto niyang tumakbo, nanalo siya, so be it," ani Raffy.

National

Sen. Tulfo, ‘di raw tatakbong pangulo sa 2028: ‘Sakit sa ulo lang 'yan’

"If he doesn't want to run, okay din. So it's not up to me," saad pa niya.

Ayon pa sa senador, kahit mas matanda raw siya ay hindi niya bibigyan ng payo ang kaniyang kapatid kapag ang usapin ay tungkol sa politika.

"Kahit na mas matanda ako sa kaniya, hindi ko siya pipigilan sa kaniyang mga gustong gawin. Although, I can give him advice on certain matters, like family matters. Pero if about politics, I don't because pareho kaming politicians," saad ni Raffy.

Matatandaang lumabas sa survey ng Pulse Asia noong Marso 2024 na nanguna si Erwin sa listahan ng preferred senatorial candidates para sa susunod na eleksyon.

Samantala, sa naturang panayam ay sinabi rin ni Raffy na wala siyang planong kumandidato bilang pangulo ng bansa sa 2028 dahil sakit lamang umano ito ng ulo lalo na’t ngayon pa lamang daw ay marami nang naninira sa kaniya matapos niyang manguna sa mga survey para 2028 Presidential preference ng mga Pilipino.