Hindi kumbinsido si Senador Imee Marcos na mayroong planong patalsikin sa puwesto ang kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil “kapraningan” lamang daw ito ng mga tao.
Sa isang panayam nitong Miyerkules, Mayo 8, iginiit ni Imee na hindi dapat bigyan ng pansin ang umano’y bali-balita ng destabilization plot laban kay PBBM kung wala naman daw maipakitang katibayan.
“Nababaduyan na ako sa mga tsismis na ganiyan. Lumang tugtugin na, 'no? Nakakasuya na. Unless may tunay na katibayan eh huwag tayong masyadong praning,” giit ni Imee.
“Basta magtrabaho lang tayo at kung maaari ibalik ang usapin sa bigas, unahin ang pagkain… Gutom ang Pilipino, hirap tayong lahat. Ang ating bigas na nasa ₱60 kada kilo ay hindi makatarungan," dagdag niya.
Nang tanungin naman si Imee kung sa tingin niya ay kayang gawin ng pamilya Duterte ang patalsikin si PBBM, sinabi ng senadora na hindi raw niya alam dahil wala raw siyang nakikitang katibayan.
“Wala akong alam. Wala akong nakikitang katibayan kundi ang kapraningan ng mga tao,” ani Imee.
“Is there any proof? Provide the proof then let’s have a look at it,” saad pa niya.
Matatandaang inihayag kamakailan ni dating Senador Antonio Trillanes na may plano ang ilang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na patalsikin si PBBM.
Mariin naman itong itinanggi ng PNP at AFP.