Magandang balita dahil simula sa Sabado, Mayo 11, ay magiging epektibo na ang ₱500 na umento sa sahod para sa mga kasambahay sa Central Visayas.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), alinsunod sa Wage Order No. ROVII-DW-04 na inisyu ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa Region VII noong Abril 18, 2024, ang monthly minimum wage ng mga kasambahay sa Central Visayas Region ay tataasan ng ₱500 sa lahat ng area.

Dahil dito ang monthly wage rate para sa chartered cities at first-class municipalities sa rehiyon ay magiging ₱6,000 na mula sa dating ₱5,500.

Magiging ₱5,000 naman ang monthly wage rate para sa iba pang munisipalidad, mula sa dating ₱4,500.

Ayon sa DOLE, alinsunod sa mga umiiral na batas at procedures, ang naturang wage order ay naisumite na sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) para sa rebyu at kinatigan naman noong Abril 22, 2024.

Nailathala naman ang kautusan noong Abril 25 kaya’t inaasahang matapos ang 15-araw mula sa publikasyon nito, o hanggang sa Mayo 11, ay magiging epektibo na ito.