Iminumungkahi ng Department of Education (DepEd) na babawasan nila ng 15-araw ang pasok para sa School Year 2024-2025.

Ito’y upang mapabilis ang pagbabalik ng old school calendar sa bansa o yaong pasukan na nagsisimula sa buwan ng Hunyo at nagtatapos naman sa Marso.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

“Nire-ready na natin at ipina-finalize lang natin yung details ng ating proposed school calendar for this school year and for the coming school year para maging normal na ang ating school year,” ani DepEd Assistant Secretary Francis Bringas sa a isang public briefing nitong Miyerkules.

Aniya pa, balak nilang gawing 165 araw ang pasok sa SY 2024-2025 na dating 180 araw.

Ang SY 2023-2024 ay nakatakda naman aniya magtapos sa Mayo 31 upang mabigyan ng halos dalawang buwang bakasyon ang mga guro at mga estudyante habang ang SY 2024-2025 naman ay magbubukas sa Hulyo 29 at magsasara naman sa katapusan ng Marso 2025.

Nangangahulugan ito na ang SY 2025-2026 ay masisimulan na ng Hunyo at magtatapos naman ng Marso.

Matatandaang dahil sa pandemya ay napalitan ang old school calendar at nagsimula ang pagbubukas ng klase ng Agosto at Setyembre sa bansa na nagtatapos na ng Hunyo at Hulyo.

Dahil naman sa matinding init ng panahon na naranasan sa bansa nitong mga buwan ng Abril at Mayo, na nagresulta sa madalas na suspensiyon ng face-to-face classes, ay nabuhay ang panawagang ibalik ang old school calendar para sa kapakanan ng mga mag-aaral.