Higit pa raw sana lalaki ang kitang maibibigay ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pamahalaan kung magiging matagumpay lamang umano ang mga awtoridad sa pagsugpo sa illegal gambling operations sa bansa.
Ang pahayag ay ginawa ni PCSO General Manager Mel Robles nitong Miyerkules matapos na kilalanin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang PCSO dahil sa kanilang malaking kontribusyon sa national treasury.
Ang pagkilala ay ipinagkaloob sa PCSO sa idinaos na 2024 Government-Owned or Controlled Corporation's Day na idinaos sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, noong Lunes.
Nauna rito, nakapag-turnover ang PCSO sa national treasury ng dividend contribution na ₱2,684,933,915.10.
Ang naturang halaga ay kumakatawan sa significant increase mula sa kanilang 2022 dividend contribution na nasa ₱2,665,701,213.78 naman.
Nabatid na noong 2023, nakamit ng PCSO ang notable revenue na ₱61.45 bilyon, o 7% na pagtaas mula sa total gaming revenue na ₱57.467 bilyon noong 2022.
“We have been working very hard to raise as much revenue as we can, so that we can hand higher remittances to the national treasury which the government could use in its socio-economic initiatives, and high priority programs,” ayon kay Robles.
“However, our goal is being stymied by the proliferation of illegal gambling operators who were using the PCSO-sanctioned games to line their pockets while greatly affecting our potential earnings,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag ni Robles na ang illegal gambling operations ay may detrimental impact sa kitang naiaakyat ng ahensiya sa pamahalaan dahil ang kitang nawawala sa kanila ay nagkakait sa mahihirap na Pinoy ng kinakailangan nilang healthcare, at iba pang tulong at benepisyo, na ipinagkakaloob ng PCSO.
Kabilang sa mga illegal games na sinusubukang sugpuin ng PCSO ay ang bookies, jueteng, hindi awtorisadong small-town lottery (STL) draws, at illegal online lotto operations.
Sa pagtaya ng mga awtoridad, ang PCSO ay nawawalan ng bilyun-bilyong pisong potensiyal na kita taun-taon dahil sa mga naturang illegal gambling operators.
Sa kabila naman ng patuloy na operasyon ng illegal gambling, kumpiyansa si Robles na malalampasan pa rin ng PCSO ang kanilang target income ngayong taon.
Nangako rin siyang paiigtingin pa nag kanilang kampanya laban sa illegal lotto operators at hinikayat ang gaming public na suportahan ang kanilang laban kontra illegal gambling sa pamamagitan nang pagtangkilik sa mga PCSO-sanctioned games.