Wala raw alam ang aktres na si Maricel Soriano tungkol sa kumakalat na dokumento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na gumagamit umano siya ng iligal na droga, ngunit inamin niyang sa kaniya ang kontrobersyal na condominium unit sa Makati City.
Matatandaang may kumakalat ng dokumento na mula umano sa PDEA noong 2012 kung saan kasama raw umano ni Soriano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gumagamit umano ng iligal na droga sa loob ng condo unit sa Rockwell sa Brgy. Poblacion, Makati City.
Sa ikalawang public hearing ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa PDEA leaks nitong Martes, Mayo 7, dumalo si Soriano at itinanong sa kaniya ng Committee chair na si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang tungkol sa naturang dokumento.
“Sa mga nag-viral na dokumento na nagdadamay sa pangalan mo, sa tingin mo ba may katotohanan ang mga nasabing dokumento?” tanong ni Dela Rosa.
“Unang-una po hindi ko ho alam ang tungkol sa dokumento, nalaman ko na lang ‘yan no’ng pinakita sa akin dahil hindi po ako nagbabasa ng mga ganyan. Wala po akong alam,” sagot ni Soriano.
Sumunod na tanong, itinanong sa kaniya kung siya ba nagmamay-ari ng naturang condo unit.
“Opo. hanggang 2012 po. Nabenta ko na ho ‘yon. Wala na ako do’n,” sagot ng aktres pero hindi niya matandaan kung anong buwan nabenta ang condo unit.
Dahil dito, humihingi si Dela Rosa ng kopya ng deed of sale ng unit.
Samantala, nang tanungin naman ng media si Marcos hinggil sa isyu nitong Lunes, Mayo 6, pagtawa lamang ang kaniyang naging sagot.
BASAHIN: PBBM, tinawanan alegasyong sangkot sila ni Maricel Soriano sa iligal na droga