Tinawanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga alegasyong nasangkot umano sila ng aktres na si Maricel Soriano sa iligal na droga.
Matatandaang kamakailan lamang ay lumabas ang isyu hinggil sa umano’y nag-leak na mga dokumento noong 2012 kung saan kasama raw sina Marcos, na noo’y senador ng bansa, at Soriano sa mga dawit sa paggamit ng illegal drugs.
Matapos nito, nagsagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na pinamumunuan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, kung saan nagbigay ng testimonya ang dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent na si Jonathan Morales hinggil sa sinasabing "authenticity" ng nag-leak na dokumento noong 2012.
Pinabulaanan naman ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo ang naging pahayag ni Morales at sinabing “non-existent” umano ang naturang mga dokumento.
Samantala, nang tanungin naman ng media si Marcos hinggil sa isyu nitong Lunes, Mayo 6, pagtawa lamang ang kaniyang naging sagot.
Samantala, habang sinusulat ito’y hindi pa nagbibigay ng pahayag o komento si Soriano hinggil sa isyu.
Kaugnay na Balita: