Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nais niyang maibalik na sa susunod na taon ang dating school calendar sa bansa, kung saan Hunyo hanggang Marso ang pasukan.

Sa isang panayam nitong Lunes, Mayo 6, ibinahagi ni Marcos na nakipag-ugnayan na siya kay Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte hinggil sa pagbabalik sa dating kalendaryo ng mga eskwelahan.

“Hiningi ko ‘yan sa DepEd and I asked Inday Sara to give me already a concrete plan because, mukha naman, hindi na tayo kailangang maghintay pa. At mukha naman ay kailangan na,” saad ni Marcos.

Sinabi rin ng pangulo na wala naman daw siyang nakikitang anumang pagtutol sa pagbalik sa dating school calendar dahil sa init ng panahon na nagbubunsod ng pagkansela ng mga klase sa kasalukuyan.

“I don’t see any objections really from anyone, especially with the El Niño being what it is. Every day, you turn on the news, F2F classes are canceled, F2F classes have been postponed, etc. So talagang kailangan na kailangan na,” ani Marcos.

“So yes, that’s part of the plan that we're trying to do to bring it back already to the old schedule. I think it would be better for the kids,'' dagdag pa niya.

Matatandaang kamakailan lamang ay naghahayag ang DepEd ng pagsang-ayon na ibalik na sa dati ang school calendar sa bansa upang maging bakasyon daw ng mga estudyante ang pinakamaiinit na buwan ng taon na Abril at Mayo.