Nagkaroon ng “exposure” ang social media personality at paresan owner na si Diwata at iba pang pares stores sa latest vlog ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may pamagat na “Chibog.”

Sa kaniyang vlog na inilabas nitong Linggo, Mayo 5, ibinahagi ni Marcos ang kaniyang mga hinahanap-hanap na pagkain tulad ng paborito raw niyang street food na “balut.”

Bukod dito ay inihayag ng pangulo na hindi raw siya kumakain ng sitsirya, ngunit lahat daw ng prutas ay gusto niya.

National

PBBM, paboritong street food ang balut; hindi kumakain ng sitsirya

Samantala, sa naturang vlog ay binanggit din ni Marcos ang mga nagba-viral ngayon na mga paresan na nais daw niyang matikman.

“Gamit ang social media, lalo pa nating malalaman na may mga pagkain na dapat dayuhin at subukan. Kaya sa mga foodie na kagaya ko, i-comment ninyo kung ano ang food trip natin dapat sa susunod na linggo,” ani Marcos.

“May mga nagba-viral ngayon na mga paresan. Mukhang masasarap. Tingnan nga natin at masubukan natin,” ani Marcos habang ipinapakita naman sa video ang ilang mga clip ng mga paresan, kasama na si Diwata.

Kaugnay nito, hinikayat ni Marcos ang publiko na tangkilikin ang mga lokal na pagkain at suportahan ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa bansa.