Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes, Mayo 6, na sesertipikahan niya bilang “urgent” ang panukalang amyendahan ang rice tariffication law (RTL).

Sa isang panayam, sinabi ni Marcos na nararapat lamang umano ang “urgent certification” sa pag-amyenda sa Republic Act No. 11203 o RTL upang mapababa ang presyo ng bigas sa bansa.

“Ang problema kasi kaya tumataas ang presyo ng bigas dahil ang mga trader ay nagko-compete. Pataasan sila ng presyuhan sa pagbili ng palay at wala tayong control doon.” ani Marcos.

Ayon pa sa pangulo, kung magkakaroon daw ng pag-amyenda sa RTL ay posible umanong makontrol ang presyo sa pagbili ng bigas.

"Mako-control natin, meron tayong influence doon sa presyuhan sa pagbili ng palay at sa pagbenta ng bigas. So that's what we are going to do," saad ng pangulo. “I think it justifies the urgent certification.”

Matatandaang taong 2019 nang maipasa ang RTL, na naglalayong alisin ang quantitative restriction ng imported na bigas sa bansa, nang lagdaan ito ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.