Asahan pa rin ang maalinsangang panahon at mataas na temperatura ngayong Lunes, Mayo 6, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, iniulat ni Weather Specialist Aldczar D. Aurelio na patuloy pa ring nakaaapekto ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, sa buong bansa.
Kaugnay nito, malaki umano ang tsansang makaranas ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa ng mainit na panahon, ngunit may tsansa ng mga pulo-pulong pag-ulan dahil na rin localized thunderstorms.
Dahil sa maalinsangang panahon, pinaaalalahanan ang publiko na huwag kalilimutan ang mga pananggalangan sa direktang init ng araw.
Sa kasalukuyan ay walang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).